ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Taon sa engineering courses, tatapyasan ng CHED


Nais ng Commission on Higher Education (CHED) na bawasan ang taon sa ilang kurso sa kolehiyo, kabilang na rito ang engineering courses na apat na taon na lamang bubunuin ng mga estudyante sa halip na limang taon. Ayon kay Patricia Licuanan, chairperson ng CHED, ang desisyon na bawasan ng isang taon ang programa sa nabanggit na kurso ay napagdesisyunan ng technical panel ng CHED engineering. Gayunman, tutol umano sa naturang plano ang ilang miyembro ng science technical committees. Pagtaya ng CHED, aabot sa 322,000 mag-aaral ang mag-e-enroll sa engineering at technology programs para sa school year 2012-2013. Sa datos ng CHED, bawat taon ay umaabot sa 48,000 hanggang 49,000 mag-aaral ang nagtatapos sa nasabing kurso sa mga unibersidad at kolohiya sa bansa. Pahayag ni Licuanan, ang gagawing pagbabago sa ilang college degree courses, "will be the product of long and intense discussions and that comments made or ideas floated during the discussions must not be interpreted as definite plans." Kinumpirma rin ng opisyal ang mga naunang lumabas na ulat na iminungkahi ng technical panel on general education (GE) na bawasan ang GE curriculum dahil ilan sa mga itinuturo dito ay magiging bahagi na ng Grades 11 at 12. Kamakailan ay inilunsad ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, at Secretary Armin Luistro ng Department of Education, ang Kindergarten to Grade 12 o mas kilala sa K-12 program. — FRJ, GMA News