ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Miriam Quiambao, dapat daw mag-public apology sa LGBT community, ayon sa gay rights group


Hindi kumbinsido ang isang gay rights group sa ginawang paghingi ng paumanhin ni 1999 Miss Universe first runner-up Miriam Quiambao sa LGBT community (Lesbians, Gays, Bisexuals, at Transexuals) sa pamamagitan ng Twitter. Sa ulat ni GMA News reporter Theresa Andrada sa GMA news 24 Oras nitong Martes ng gabi, sinabi ni Bemz Benedicto, national chairperson ng grupong Ang Ladlad, kahit humingi ng paumanhin si Miriam sa LGBT sa kanyang Twitter account, patuloy naman umano ang paninindigan nito tungkol sa kanyang sinabi laban sa mga homosexual. “Makikita mo talaga na hindi pa rin talaga nagtutugma (ang sinasabi niya)," ayon kay Bemz, isang transgender." “Nagsabi na siya na humihingi siya ng paumanhin, pero sana hindi pa rin niya… ipinipilit na yung ayon sa kanya ay ‘yon ang katotohanan," dagdag ng opisyal ng Ladlad. Nag-ugat ang kontrobersiya nang lumabas sa Twitter account ng dating beauty queen ang pananaw nito tungkol sa homosexuality: ““Homosexuality is not a sin but it is a lie from the devil. Do not be deceived. God loves gays and wants them to know the truth." Bagaman mayroon sumuporta sa pananaw ni Miriam, marami rin ang tumuligsa dito na dahilan para mag-post ulit siya ng pahayag na humihingi ng paumanhin sa LGBT. “I'm sorry LGBT. Perhaps I was too harsh with the words I used. Will do my best to be more sensitive. #respect #nobodysperfect #grace" “Mahal ko ang LGBT. That's why I am sharing with you the truth. If you are not ready for it, please don't shoot me. I am just a messenger." Ayon kay Bemz, ang mga pahayag na katulad kay Miriam ay patunay na hindi pa rin tanggap sa pangkalahatan ng lipunan ang mga LGBT at laganap pa rin ang diskriminasyon sa kanilang hanay. Sinabi naman ni Danilo Arao, assistant professor sa UP Diliman, na kailangang maging maingat ang lahat sa mga inilalagay sa mga social networking site lalo na pagdating sa mga sensitibong isyu gaya ng homosexuality. -- Mac Macapendeg/FRJ, GMA News