ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Golden’ bangus ng Pangasinan, hindi sanay na nag-iisa


Inaasahang magpapatuloy na ang pagsigla ng nadiskubre at nag-iisang “golden" bangus ng Pangasinan matapos na itong kumain muna nang isama sa iba pang bangus. Noong Abril, ipinaubaya sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Dagupan City ang pangangalaga sa kakaibang bangus na nadiskubre sa isang palaisdaan sa Binmaley, Pangasinan noong nakaraang taon. Natatangi ang bangus na ito dahil sa kanyang matingkad na kulay dilaw na kaliskis na kakaiba sa kulay ng karaniwang bangus. Ayon sa BFAR, nang dalhin sa kanilang tanggapan at ilagay sa isang container ang golden bangus, tila naging matamlay at malulungkutin ito. Hindi rin umano nito kinakain ang ibinibigay sa kanya. “Yung pellets ayaw kainin. Halimbawa may 20 pellets yung nilagay namin, by hapon, twenty pa rin. Hindi nababawasan," ayon kay Dr Westley Rosario, chief ng BFAR-NIFTDC. Dahil dito, napilitan ang BFAR na ilipat ang golden bangus at ihalo sa iba pang bangus na nasa fishpond. Doon ay napansin umano na makihalubilo ang golden bangus sa ibang isda at nanumbalik ang kanyang sigla at nagsimula na rin kumain. Paniwala ni Rosario, hindi sanay ang golden bangus na nag-iisa. Nang dalhin sa tanggapan ng BFAR noong Abril, sinukat ang golden bangus at tinimbang. Higit sa isang kilo ang bigat nito at nasa 50 sentimetro o 19 na pulgada ang haba. Ayon sa BFAR, hindi pangkaraniwang ang naturang klase ng bangus sa bansa. Pero posible umanong nagkaroon ng abnormality sa pigmentation ng isda kaya nagkulay ginto ang kaliskis nito. Ilang taon umano ang kakailanganin para isagawa ang pag-aaral sa isda. Malaking hamon din naman sa research unit kung paano ito mapaparami. “Albinism ang kaso niya. Sa pagdaan kasi ng panahon, doon nakikita ‘yong kakaiba (sa kanyang kulay) gaya ng mga puting kalabaw, puting tao, puting hito," paliwanag ni Rosario sa naunang panayam. Maaari rin umanong abutin ng apat na taon bago mai-cross breed ang golden bangus sa ordinaryong bangus. -- Charisse Victorio/FRJ, GMA News