Bayaning pinsan ni Aguinaldo
Alam niyo ba na bukod kay Heneral Emilio Aguinaldo ay mayroon pang isang Aguinaldo na nagmula rin sa lalawigan ng Cavite, at kinikilala ring bayani dahil sa kanyang pagmamahal at pakikipaglaban para sa kalayaan ng Pilipinas? Tulad ng kauna-unahang Pangulo ng Pilipinas na si Emilio Aguinaldo, isa ring rebolusyunaryo at heneral noong panahon ng pakikidigma sa mga mananakop na Kastila at Amerikano si Baldomero Baloy Aguinaldo. Si Baldomero ay isinilang sa Binakayan, Kawit, Cavite noong Pebrero 1869. Anak siya nina Cipriano Aguinaldo at Silvestra Baloy. Pinsang-buo niya si Emilio at madalas na magkasama sila sa pakipaglaban sa mga mananakop na dayuhan. Kabilang si Baldomero sa mga lumagda sa Konstitusyon ng Biyak-na-bato noong 1897. Bukod sa katapangan, may angkin talino rin si Baldomero. Nakapag-aral siya sa Ateneo Municipal at Pamantasan ng Sto Tomas. Ilan sa mga posisyon na kanyang hinawakan sa murang edad ay auditor general, ministro ng Gabinete, direktor at kalihim ng pananalapi, at kalihim ng war and public works. Nang sumiklab ang digmaan ng Pilipinas at Amerika, muling bumalik sa giyera si Baldomero at nagsilbing komandante heneral ng puwersa sa southern Luzon. Pagkaraan nito ay nahalal siya bilang unang pangulo ng asosasyon ng mga beterano noong 1912, na pinamunuan niya hanggang sa siya’y pumanaw dahil sa sakit noong 1915, sa edad na 45. - FRJimenez, GMA News