ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo: CA na ang bahala sa kaso ng 'T3 show' ng TV5


Dapat hayaan na lamang umano ang Court of Appeals na magpasya sa kaso sa suspensyon ng TV program na "T3: Kapatid Sagot Kita" ng Tulfo borthers, ayon sa isang opisyal ng Palasyo. Tinutukoy ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte ang petisyon ng TV5 na humihiling sa korte na pigilan ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa pagpapatupad ng 20-araw na suspensyon sa programa nitong "T3." Nag-ugat ang suspensyon order sa umanoy pananakot ng magkapatid na Tulfo – Erwin, Raffy at Ben – sa mag-asawang Raymart Santiago at Claudine Barretto na nasangkot sa pambubugbog sa kuya ng magkakapatid na si Ramon Tulfo, isang batikang kolumnista. Naganap ang gulo noong ika-6 ng Mayo sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3. “That’s something we will let the CA deal with. From what I understand TV5 has gone to the CA to ask the MTRCB to stop implementation of the 20-day suspension. Hindi kami magsasalita, nasa korte na yan," ani Valte sa dzRB radio. Sa pag-ere ng pograma noong ika-7 ng Mayo , binantaan umano ng magkakapatid ang mag-asawa. Nagsimula ang alitan ni Ramon Tulfo at ng showbiz couple nang kinunan umano ng video ng kolumnista si Barretto habang pinagagalitan ang ground crew ng Cebu Pacific dahil hindi naisama ang kanilang bagahe mula sa Boracay. Ayon kay Santiago, sinuntok umano siya ni Tulfo nang nilapitan niya ito. Ngunit ayon naman kay Tulfo, pinagtulungan siya ni Santiago at ng mga kasamahan nito. kanya-kanyang naghain ng demanda ang magkabilang kampo. “Hintayin na lang natin ang magiging dulo niyan, tutal dumulog na sila sa korte," ani Valte. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News