Walang Pinoy doc na nais mag-opera kay ex-Pres Arroyo, ayon sa oposisyon
Dahil sa delikadong kondisyon, wala umanong Pinoy na duktor ang nais maglakas-loob na operahan si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga. Ayon kay House minority leader Rep Danilo Suarez (Quezon), sensitibo ang kalagayan ni Arroyo at maaaring ikamatay nito ang gagawing corrective surgery sa leeg ng dating pangulo. “Walang (duktor na Pilipino) gustong mag-operate. Hesitant sila baka ikamatay pa ni Presidente Arroyo. Rare ailment kasi ang sakit niya," ayon kay Suarez, vice-chairman ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD). Idinagdag niya na walang sapat na pasilidad ang mga Pinoy na duktor para isagawa ang umano’y maselang operasyon kay Arroyo. Una rito, sinabi ni Occidental Mindoro Rep. Ma. Amelita Villarosa, kaalyado ni Arroyo, na delikado muli ang kalagayan ng dating pangulo dahil sa komplikasyon na tinamo nito sa kanyang operasyon sa leeg. Matatandaan na sumailalim sa titanium implant ang buto sa leeg ni Arroyo noong nakaraang taon. Nitong nakaraang linggo, dinala ang dating lider sa Makati Medical Center para magpasuri dahil nahihirapan umanong huminga. Dahil sa kondisyon ni Arroyo, kasalukuyang naka-hospital arrest sa Veterans Hospital sa Quezon City, inihayag ng mga kaalyado ng dating pangulo na kailangan na siyang maipagamot sa labas ng bansa. Gayunman, nagpahayag ng pagdududa si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kung talagang peligroso ang kalagayan ni Arroyo dahil ganito rin umano ang inihayag ng mga kaalyado ng dating pangulo noong nakaraang taon. Nais ni Aquino na masuri muna ng mga duktor ng pamahalaan si Arroyo. Ayon naman kay Suarez inihahanda na nila sa Kamara ang resolusyon na kanilang ihahain para hilingin sa pamahalaan na hayaan si Arroyo na makapagpagamot sa ibang bansa. Batay sa mga lumabas na ulat, naka-soup diet si Arroyo dahil bumabara sa kanyang esophagus ang inilagay na titanium sa kanyang leeg. - PPR/FRJ, GMA News