ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Corona, tetestigo sa kanyang paglilitis sa darating na Mayo 22


Napagkasunduan ni Senate President Juan Ponce Enrile at ng defense panel noong Miyerkules na sa darating na Martes na lamang haharap si Chief Justice Renato Corona sa witness stand ng kanyang impeachment trial. Si Corona ang huling testigo na ihaharap ng defense sa Senate impeachment court. Naunang iminungkahi ni Enrile sa defense ang pagtestigo ni Corona sa darating Lunes, ngunit humingi ng palugit ang isa sa mga abugado ng punong mahistrado. "While we would like to give our best, the sheer number [of documents we have to review] is awesome," ani defense lawyer Jose "Judd" Roy III. Ayon kay Roy, nakatakdang magsagawa ng caucus ang mga senador ngayong Lunes. Nungit iginiit naman ni Enrile na hindi maapektuhan ng caucus ang paghahanda ng mga abudagdo ng depensa dahil may buong weekend pa sila para maghanda. Sa kabila nito, patuloy pa ring iginiit ni Roy na payagan ang defense na iharap si Corona bilang testigo sa susunod na Martes na lamang. "So that you would not think we are biased against him, granted. But there will be no more postponement," ani Enrile. "If we have no witness on Monday so logically we will resume the hearings on Tuesday at the request of the defense, at which time it is the chief justice that will be their witness," dagdag niya. Pinasalamatan naman ni lead defense counsel Serefin Cuevas si Enrile. "We are heavily grateful for the liberality and magnanimity of the court," aniya. Huling testigo ng defense Ayon kay Cuevas, si Corona na ang pinakahuling testigo na ihaharap ng defense panel. "Since we have no other witness in connection with the issue being tackled by this honorable court and we have foregone to utilize other witnesses for other purposes therefore the sole and only witness remaining will be the respondent himself. We made that clear on record," aniya. Sa kabila nito, inihayag ni chief prosecutor Niel Tupas Jr. na hihintayin muna nila ang testimonya ni Corona bago magdesisyon kung maghahain sila ng rebuttal evidence matapos nilang isara ang kanilang kaso. Ayon naman kay Enrile, mabibigyan ng pagkakataon ang kapwa kampo na pumili ng dalawang tagapagsalita para sa closing arguments. Mabibigyan lamang ng 30 minuto ang bawat isa upang magsalita. "They [prosecution] have opening statement and a closing statement... so whatever is consumed by the prosecution we will give you [defense] the same time," aniya.   "I assure you that we will be equitable," dagdag niya. Samantala, iminungkahi ni Senator Francis Pangilinan na gawing hanggang Biyernes ang paglilitis. Tuwing Lunes hanggang Huwebes, alas-2 ng hapon hanggang alas-5 o 6 ng gabi, depende sa mga senador at ng dalawang panel. "We are losing two trial days and the following week is already the 31st," aniya. Ayon kay Enrile, ito yung napag-usapan nila sa kanilang caucus. "We cannot go beyond this month. We have a pile of legislative matters to be discussed and disposed," aniya. Magkakaroon ng break ang Senado simula Hunyo 8 hanggang Hulyo 22. Corona handa na Sinisiguro naman ni defense lawyer at tagapagsalitang si Tranquil Salvador III na nananatiling "spiritually, intellectually, and morally" prepared si Corona sa pagharap sa Senate impeachment court. Sinang-ayunan naman ito ni defense lawyer at tagapagsalitang si Karen Jimeno: "Kapag nakikita namin siya, kalmado siya at nananatiling matatag." Iginiit ni Jimeno na hindi nais ng defense na maantala ang paglilitis dahil sa halos isang-linggong break na kanilang hinihiling bago iharap si Corona. Nais lamang umano nilang mabigyan ng oras ang punong mahistrado na paghandaan ang kanyang testimonya. Tinutukoy ni Jimeno ang 17-pahinang report na mula sa Anti-Money Laundering Council na nagpapakita na mayroong 82 dollar accounts si Corona sa siyam na bangko. Iprinisenta ito ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales sa korte. Maliban sa walang pirma ang AMLC report, inamin ni Morales sa korte na hindi niya siniguro ang authenticity at accuracy nito sapagkat naniniwala umano siya sa "regularity" ng mga dokumento. Inihayag naman ng defense sa isang email noong Miyerkules na "fabricated" ang ulat ng AMLC. “We have already studied the AMLC report and we can say that it is not accurate. We will prove that it is a fabricated evidence,” ani defense lawyer at tagapagsalita na is Rico Paolo Quicho. 'Intelligent witness" Samantala, tinanggap ng prosecution team ang pagtatakda ng defense para sa paglalahad ni Corona ng kanyang testimonya. “Kami po ay natutuwa na may takdang-araw na para sa pagtestigo ni Chief Justice Corona… Kung basketball game ito, ito na nga po ang final quarter,” ani deputy speaker Lorenzo Tañada III, tagapagsalita ng prosekusyon, sa press briefing matapos ang paglilitis moong Miyerkules. Dagdag nito, inaasahan niyang maging "forthright" si Corona sa kanyang testimonya. Ayon naman kay Marikina Rep. Romero Quimbo, isa pang tagapagsalita ng prosekusyon, pagsisikapan nila ang cross-examination ni Corona. “He [Corona] is no ordinary witness. He is extremely intelligent. It’s not going to be an easy job,” aniya. Nauna nang inihayag ni lead counsel Niel Tupas Jr. na si lead private prosecutor Mario Bautista ang tatayo sa cross examination ni Corona. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News