ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang National Congress on School Disaster Risk Reduction, idinaos


Sa pagtutulungan ng Department of Education (DepEd) at grupong Save the Children, isinagawa ang kauna-unahang National Congress on School Disaster Risk Reduction (DRR) nitong Miyerkules sa SMX Convention Center sa Pasay City. Bilang paghahanda sa darating na pasukan at panahon ng tag-ulan, lumahok sa pagtitipon na may temang "Mainstreaming Disaster Risk Reduction (DRR) in the School System," ang mahigit 200 mag-aaral, guro at ilang opisyal mula sa ibang bansa. Layunin ng pagpupulong na maging handa ang mga guro at mag-aaral sa panahon ng emergency gaya ng mga kalamidad at sakuna. Nabuo ang planong magtutulungan ang Save the Children at DepEd noong nakaraang taon para sa isang proyektong maibahagi sa mga bata ang mga kaalaman na maging handa at makaiwas sa sakuna.

Dumalo sa National Congress on School Disaster Risk Reduction (DRR) sina DepEd Undersecretary for Regional Operations Rizalino Rivera at Country Director ng Save the Children sa Pilipinas Anna Lindenfors. - Mandy Fernandez
Pinapatibay ng kanilang adbokasiya ang Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010 (DRRM act), na naaprubahan noong Mayo 2010. Pangunahing layunin ng naturang batas na mapabuti ang disaster management system sa Pilipinas. Sa ginanap na pagpupulong, ibinahagi ng mga kinatawan sa public secondary schools mula sa mga probinsya sa Region 4-A, ang mga kaalaman na kanilang nalikom mula sa pilot testing na isinagawa ng kanilang mga paaralan sa school year 2011-2012. Maliban sa ilang lecture na isinagawa, may ilan ding interactive booth na itinayo upang magbigay impormasyon sa pagiging handa sa mga sakuna. Ayon kay Anna Lindenfors, Country Director ng Save the Children sa Pilipinas, inilista ng UN World Risk Index ang Pilipinas bilang ikatlo sa listahan ng "most disaster prone country in the world." Sa katunayan, sa taon ito ay mahigit 20 bagyo umano ang inaasahang tatama sa bansa. "It's usually children who are more vulnerable in times of disasters. If children are not prepared, they don't know where their parents might be, they don't know what's going to happen, and they don't know where to go. The likelihood that they get severely injured or actually die is very high," paliwanag niya. Samantala, inihayag ni DepEd Undersecretary for Regional Operations Rizalino Rivera, na kanilang pinili ang school system bilang key player sa paghahanda ng mga bata laban sa sakuna. Naniniwala siyang mahalaga ang pagkakaroon ng kamalayan sa pagiging handa laban sa sakuna habang bata pa lamang. "Preparing children for disasters is our priority. We are integrating it in the school curriculum and making sure that there is a greater consiousness about DRR among superintendents and regional directors," paliwanag ni Rivera. Integrasyon sa K+12 school curriculum Ayon kay Rivera, kasalukuyan pang pinaghahandaan ang integrasyon ng kanilang adbokasiya sa school curriculum. "Kasi the curriculum is under revision because of the K+12. We are hoping this will part of the K+12," pahayag ni Rivera. Nagsagawa na ng pilot testing noong nakaraang school year sa apat na public secondary schools sa Laguna at Rehiyon 4-A. Mahigit 4,000 mag-aaral, 300 public secondary school na guro. Ilang opisyal din ng DepEd ang sumailalim sa disaster preparedness training. Dagdag nito, sa tulong ng kanilang international partners at iba pang non-governmental organizations, nagsagawa na rin ng mga aktibidad sa ilang paaralan upang i-promote ang DRR. "The support of our partners cannot be emphasized enough. They conduct seminar and trainings," aniya. Disaster prone schools Samantala, inihayag ni Rivera na patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mapping efforts ng ilang ahensya ng gobyerno upang matukoy ang mga paaralan na peligroso sa sakuna. Pagtiyak ni Rivera, kaagad na ipasasara at ililipat ang na matutukoy na disaster prone school. "Hangga't maaari, ayaw nating magtayo ng school sa same place na naganap ang disaster," pahayag ng opisyal. - Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News