Dating court interpreter na nasibak dahil umano sa SALN, naging matunog sa paglilitis ni Corona
Sa kainitan ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, naging matunog ang pangalan ni Delsa Flores, ang dating court interpreter na nasibak sa trabaho dahil sa hindi rin umano tama ang pagdeklara ng kanyang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN). Sa ulat ng 'Balitanghali' ng GMA News TV nitong Miyerkules, sinabing nauna nang binanggit ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang kaso ni Flores, isang buwan mula nang magsimula ang paglilitis kay Corona. Ayon sa pangulo, tinanggal bilang court interpreter ng Davao Regional Trial Court si Flores dahil nilabag niya ang Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees nang hindi niya ideklara sa SALN ang puwesto sa palengke na kanyang pag-aari. "Dahil daw sa paglabag niya sa Republic Act 6713, o ang Code of Conduct and ethical standards for public officials and employees, inirekomenda ng Office of the Court Administrator na sisantehin si Delsa Flores," kwento ni Aquino. "Nawala sa kanya ang kabuhayang pinagkukunan niya ng sweldo at benipisyo," dagdag niya. Maliban sa pangulo, ilang senator-judge ding ang gumamit sa kaso ni Flores para maging halimbawa at kabilang sa mga basehan sa naging desisyon nila sa pag-impeach kay Corona. "Kung ang ating batas na Republic Act 6713 ay nagpaparusa ng dismisal ng isang ordinaryong kawani ng gobyerno, wala po akong nakikitang dahilan para po hindi ipatupad ang parehong batas na ito sa isang punong mahistrado," ayon kay Senador Loren Legarda nang ihayag niya ang hatol na guilty sa punong mahistrado. Ayon naman kay Sen. Francis Pangilinan, "Tama ba na ang pagsisinungaling ng maliliit (kawani) ay parusahan habang ang pagsisinungaling ng makapangyarihan ang tungkulin ay i-abswelto?" Ganito rin ang pananaw ni Sen. Alan Peter Cayetano. "Bakit sa mahirap ‘pag nahuli, ang sasabihin sa kanya sa presinto ka na magpaliwanag? Bakit po kapag mayaman lahat ng lusot, batas, at technicalities available sa kanya?" Sa botong 20-3, hinatulan ng Senate impeachment court na guilty si Corona at kailangan na niyang magbitiw sa kanyang posisyon. Double compensation Nauna nang sinabi ng kampo ni Corona na hindi lamang usapin tungkol sa SALN ang dahilan sa pagkasibak ni Flores. Kasama rin umano ang usapin ng double compensation dahil nakatanggap siya ng sweldo na nagkakahalaga ng mahigit P1000 bilang empleyado ng munisipyo gayung kawani rin siya ng korte. Nakasaad sa kasong Rabe vs Flores, umamin si Flores na nakatanggap siya ng sahod sa lokal na pamahalaan para sa petsang Mayo 16, 1991 hanggang Mayo 31, 1991 sa kabila ng kanyang paglipat ng trabaho sa judiciary noong Mayo 16, 1991. "I admit that I received my last salary in the amount of One Thousand and 80/100 (P1,000.80) Pesos from the Local Government Unit from May 16-31, 1991 but farthest from my mind is the intent to defraud the government," aniya. "It was my desire all the time to refund the amount the moment my salary is received from the Supreme Court, unfortunately more often than not (the salary) is received three or four months after assumption of office," dagdag niya. Ibinalik lamang niya ang nabanggit na halagang noong Enero 17, 1996, makaraang ang limang taon matapos siyang makatanggap ng reklamo mula sa korte. "As we all know the month of May and June is the time we enroll our children in school thus the money I got that month from the Local Government Unit came handy in defraying registration expenses of my four children," paliwanag ni Flores. "The passage of time coupled with some intervening events, made me oblivious of my obligation to refund the money. However, when my attention was called on the day I received the copy of the resolution, I took no time in refunding the same," dagdag niya. Sa kabila nito, nakasaad sa kaso na: "Forgetfulness or failure to remember is never a rational or acceptable explanation." 'Patas' na hatol Sa panayam ng "Balita Pilipinas Ngayon" ng GMA News TV, inihayag ni Flores ang kanyang kasiyahan sa naging hatol sa kasong impeachment ni Corona. "Happy ako na patas lang pala ang batas, malaki man ang iyong ranggo o maliit man. At least, pareho lang pala kami pala," aniya. Sa kabila nito, hindi niya mapigilang malungkot nang maalala niya ang naging karanasan noong natanggal siya sa trabaho. "Kasi pinarusahan nila ako ma'am diretso-diretso na agad. Tanggal sa trabaho, I can't work with any government office anymore. Tapos walang-wala na, parang na-life sentence nga, sabi ng defense," aniya. Giit ni Flores, hindi siya binigyan ng pagkakataon noon para maipagtanggol ang kanyang sarili. "They didn't let me explain. May complaint, huli na po, may desisyon na ang Supreme Court," ayon sa dating kawani ng korte. "Since the time [na matanggal ako sa trabaho], wala na. Mahirap talaga. I have four kids and I don't have a husband. I'm a widow po. My husband died last 1997 din po. Tapos ang verdict nila, 1997 din po. Kaya mahirap for me," pagbalik-tanaw niya. — Mandy Fernandez/FRJ, GMA News