ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNoy, magtalaga kaya ng unang babaeng punong mahistrado ng Korte Suprema?


Matapos ihayag ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na handa niyang baliin ang tradisyon sa pagpili ng chief justice ng Korte Suprema, handa rin kaya siyang gumawa ng kasaysayan sa pamamagitan ng paghirang ng kauna-unahang babaeng punong mahistrado ng bansa? Kabilang sa mga nababanggit na posibleng irekomenda sa Judicial Bar Council (JBC) na kapalit ng pinatalsik na si dating chief justice Renato Corona ay sina Justice Secretary Leila De Lima at Commissioner Kim Henares ng Bureau of Internal Revenue. Sa panayam ng dzBB radio nitong Biyernes, sinabi ni Henares na hindi siya mag-aaplay sa nabakanteng pinakamataas na posisyon sa hudikatura. "Siguro 'pag nominated ako mag-iisip ako kung tatanggapin ko o hindi. Pero to apply, I don't think I will do that," pahayag ni Heneras na nagsabing karangalan na maikonsidera siya sa posisyon bilang punong mahistrado. Nabakante ang puwestong chief justice matapos mahatulang guilty ng Senate impeachment court si Corona dahil sa hindi umano pagdedeklara ng tamang mga ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Si Corona ang naging ika-23 punong mahistrado ng SC matapos italaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong May 2010. Mula sa unang punong mahistrado na nahirang noong 1901 na si Cayetano Arellano, wala pang babaeng naitatalagang pinuno ng hudikatura sa kasaysayan ng Pilipinas. Bukod kay Heneras, lumulutang din ang pangalan ni De Lima na posibleng makasama sa listahan ng mga nominado bilang punong mahistrado. Sa panayam sa kanya ng mga mamamahayag nitong Biyernes, sinabi ng kalihim na susunod lamang siya sa magiging utos ng pangulo. “I don’t rule out anything. Ayaw ko namang sabihin na kahit ngayon inominate ako ay ayaw ko," ayon kay de Lima. “I actually defer to the wishes of the President… Kung gusto niya na tanggapin ko iyon, tanggapin ko. Kung kinoconsider niya ako then I respect that," dagdag niya. Sinabi ni de Lima na mas nais niyang pagtuunan ng pansin ang kanyang trabaho ngayon bilang kalihim ng DOJ. “But right now, I have this position, a very critical position, an important position. I still have a lot of things to do," aniya. “If you ask me if I am aspiring for that position right now, I am not aspiring for any other position. It is que sera sera. Kung ano ang talagang para sa akin, para sa akin ‘yan." PNoy, hihintayin ang JBC list May 90 araw o tatlong buwan si Aquino upang pumili ng ipapalit kay Corona. Pansamantalang itinalagang chief justice ang pinaka-senior member ng SC na si Associate Justice Antonio Carpio. Kabilang sa walong miyembro ng JBC sina Sec De Lima, Senate justice committee chair Francis Escudero at House justice committee chair Niel Tupas, na kapwa kaalyado ni Aquino. Ang JBC ang sasala sa lahat ng nominado bilang punong mahistrado, at magsusumite ng tatlong pangalan na pagpipilian ng pangulo. Nitong Biyernes, sinabi ni Aquino na handa niyang baliin ang tradisyon sa pagtatalaga ng punong mahistrado na maaaring manggaling mula sa labas ng SC. “Yung tradition is a good consideration. Pero ang importante siguro ‘yung efficiency of the institution and serving and addressing our people’s need," paliwang ng pangulo. “Nakalagay lang po doon (sa Saligang Batas), may listahan na ibibigay sa atin ‘yung Judicial and Bar Council, doon ako mamimili, at wala naman yatang injunction there that limits it to current members of the Supreme Court," dagdag niya. Sa text message nitong Sabado, tumanggi si Aquino na sagutin ang tanong kung handa itong gumawa ng kasaysayan sa hudikatura sa pamamagitan ng paghirang ng unang babaeng mahistrado. Ayon sa pangulo, mas mabuting hintayin na lamang umano ang listahan na ipadadala sa kanya ng JBC. Ang pumanaw na ina ni Aquino na si Corazon Cojuangco-Aquino ay gumawa rin ng kasaysayan nang maging kauna-unahang babaeng pangulo ng bansa noong 1986. - FRJimenez, GMA News