Pagtatapon ng hospital waste, siniyasat sa Dagupan City
Nagsagawa ng inspeksiyon ang Waste Management Division ang lokal na pamahalaan ng Dagupan City sa Pangsinan, sa mga ospital sa lungsod bunga ng hinalang may nagtatapon ng hospital waste sa dumpsite ng lungsod. Ang ginawang pag-inspeksiyon sa pasilidad ng may siyam na ospital sa Dagupan ay pinangunahan ng Hospital Inspection Team (HIT) ng WMD. “Wala naman kaming nakitang paglabag, maayos naman silang sumusunod", ayon kay Ralph Zarate, kinatawan ng HIT. Mayroong human vault ang mga ospital kung saan dinadala ang mga dugo, bahay bata, at iba pang human waste ng mga pasyente. Hiwalay naman ang imbakan ng toxic hospital waste na kinabibilangan ng mga hiringgilya, karayom, at plastic tubes. Ang mga karayom ay diretsong ibinabasura sa septic vault ng pagamutan. Hinihiwalay naman ang plastic tube at mismong ang ospital na ang nagdi-dispose ng mga ito. Una nang iniulat ang pagkakaospital ng isang binatilyo matapos maimpeksiyon ang paa nang matusok ng karayom sa hiringgilya habang nangangalkal ng basura sa dumpsite ng Dagupan. Ngunit iginiit ng opisyal ng WMD na mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatapon ng hospital waste sa dumpsite gaya ng mga gamit na hiringgilya. Sa ginawang pag-inspeksiyon sa mga ospital, sinabing mahigpit na binabantayan ang segregation area ng ospital Bukod sa pagbubukod ng nabubulok sa hindi nabubulok na basura, ang mga hindi nabubulok – kabilang ang styro, plastic, at diapers -- may kanya-kanyang lagayan ang mga ito. Sinabi ang mga nakarekord lamang na dumi na hindi mapanganib sa kalusugan ng tao ang maaaring kolektahin at itapon sa dumpsite. "Kung hindi na-check (o nakarecord) hindi nila kinukuha ang mga waste talaga,“ ayon kay Engr. Gilbert Bagornada, OIC, LMC. Ganito umano kahigpit ang sinusunod na sistema ng WMD sa mga hospital waste bago nila kolektahin. Dahil dito, tiniyak nilang hindi galing sa kanilang garbage truck ang mga nakitang hospital waste sa dumpsite. "Pananabotahe ito, wala naman kaming alam. Sa likod siguro sila dumaan kasi bukas doon," ayon kay Garry Salonga, inspection team, WMD. -- JArcellana/RON/FRJ, GMA News