ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Imbestigasyon sa pagpatay sa beauty queen ng Dagupan City National HS, patuloy


Hindi pa isinasara ng pulisya ang kaso sa pagpatay sa 14-anyos na incoming second high school student at beauty queen ng Dagupan City National High School, kahit pa may nadakip ng suspek. Sa ulat ni GMA-Dagupan news reporter CJ Torrida, sinabi ni P/Supt Romeo Caramat Jr., hepe ng Dagupan City Police, hindi pa umaamin sa krimen ang suspek na si Dennis Escaño, 18-anyos, sinasabing kaibigan ng biktimang si Madeline Goyena. Si Goyena ay nakitang patay at tadtad ng saksak sa katawan sa likod ng isang silid-aralan sa loob mismo ng paaralan noong Biyernes ng hapon. Sinabi ni Caramat sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Lunes ng gabi na hindi pa nila ganap na napapatunayan kung ano talaga ang motibo sa pagpatay sa biktima. Kasabay ng pagtanggi sa krimen, nanawagan si Escaño sa tunay na pumatay umano kay Goyena na sumuko na. Labis naman ang pagkabigla ng pamunuan ng paaralan sa pangyayari. Ayon kay Erly Datario, Principal IV, Dagupan City Nat’l HS., isolated case ang nangyari at nagdagdag na sila ng seguridad sa paaralan. Katarungan naman ang hiling ng mga kaibigan at kaanak ng biktima. - FRJ/GMA News