ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Paglago ng ekonomiya, pag-impeach kay Corona, ibinahagi ni Aquino sa mga Pinoy sa UK


Ang paglago ng ekonomiya at pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona ang ilan sa mga ibinalita ni Pangulong Benigno “Noynoy"Aquino III sa pagharap niya sa Pinoy community sa United Kingdom nitong Miyerkules (oras sa Manila). Sa kanyang talumpati, ipinagmalaki ng pangulo ang pagtatala ng Pilipinas ng 6.4 percent na pag-angat sa ekonomiya sa unang bahagi ng 2012, na pinakamataas umano sa buong Asya. “Ang pagkaintindi ko ho this is the second highest in Asia and the highest in Southeast Asia. Dahil ho sa matinong pamamalakad, marami nang kakayahan ang atin pong gobyerno," pahayag ni Aquino sa mga Pinoy na nagtungo sa Intercontinental London Parklane Hotel. Bago ang paharap sa mga Pinoy community, pinangunahan din ni Aquino ang photoshoot para sa “It‘s more fun in the Philippines" campaign ng Department of Tourism sa London. Ibinalita rin ni Aquino ang mga proyektong pang-empraestruktura ng kanyang administrasyon gaya ng planong NLEX-SLEX connector road. Bukod pa rito ang pagpapagawa ng mga karagdagang silid-aralan, at pabahay sa mga pulis at sundalo. Kasabay nito, ipinaalam din niya ang mga natuklasan nilang katiwalian ng nagdaang administrasyon na tinutugunan na umano ng kanyang pamahalaan. Ipinaliwanag niya sa mga Pinoy sa London ang dahilan kung bakit pinatalsik sa posisyon si Corona. Hinatulang guilty ng Senate impeachment court dahil sa kasong hindi pagdedeklara ng tamang ari-arian sa kanyang statement of assets, liabilities and net worth (SALN). Gaya nang dati, iniugnay ni Aquino si Corona sa naging desisyon ng Korte Suprema na nagpapahintulot kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na makalabas ng bansa para umano makapagpagamot. Gayundin ang kontrobersiyal na pagtatalaga ni Arroyo kay Corona bilang punong mahistrado ng SC ilang linggo na lamang bago ang 2010 elections. “Mayroon po kasing provision sa Constitution, Section 15, Article 7, it states that two months immediately before the next presidential elections and up to the end of his term, a President or Acting President shall not make appointments, except temporary appointments to executive positions when continued vacancies therein will prejudice public service or endanger public safety," paliwanag ni Aquino. “Mr. Corona was appointed one week after elections. This Constitution says no appointments two months prior to an election," dagdag pa niya. Iginiit ng pangulo na ang nangyari kay Corona ay patunay na gumagawa ang checks and balances sa sistema ng pamahalaan. Kasabay nito, nanawagan si Aquino sa mga Pinoy sa UK na patuloy na tulungan ang kanyang administrasyon para mapabuti ang pamumuhay ng mga Pinoy sa Pilipinas. “Ituloy na po natin hanggang 2016 ‘yung ating partnership dahil kaya naman nating mabago at marami nang nagbago pero kaya pa natin lalong pabilisin ‘yung pagbabago (sa) ikabubuti ng lahat," hiling niya. - RP/FRJ, GMA News