2 babae, ‘naagnas’ ang puwetan matapos magparetoke sa Cebu
Isang babae na nagpakilala umanong duktor ang dinakip ng mga operatiba ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) matapos ireklamo ng dalawang babae na sinasabing nagparetoke sa kanya ng puwetan sa Cebu City. Sa ulat ni GMA-Cebu reporter Mark Anthony Bautista sa Balitanghali nitong Huwebes, kinilala ang inarestong “duktor" na si Gloria Rabor. Ayon sa dalawang nagreklamo na itinago sa pangalang Julia at Juana, nakilala nila si Rabor mula sa isang kaibigan. Una nilang “ipinaayos" umano kay Rabor ang kanilang ilong. Dahil maganda ang resulta, naingganyo raw ang dalawa na ipaayos na rin ang kanilang puwetan. Ngunit ilang araw matapos silang isailalim sa operasyon at lagyan ng silicone ang bahagi ng kanilang puwetan, nakaramdam daw sila ng pananakit hanggang sa magsugat ito na tila naagnas. Ayon kay Julia, sa text na lang nila nakakausap si Rabor. At nang magpadala sila ng larawan para ipakita ang “naaagnas" nilang puwetan, pinayuhan daw ng suspek na lagyan na lamang ito ang alugbati. Dahil dito, lumipat na sila at humingi ng tulong sa CIDG para mapanagot si Rabor sa nangyari sa kanilang puwetan. Sinabi ni C/Insp. Fermin Armendarez III, chief Metro Cebu-CIDG, na kaagad nilang inilatag ang isang entrapment operation at nadakip si Rabor sa kanyang bahay. Nakuha sa bahay ni Rabor ang ilang gamit pang-medisina gaya ng hiringgilya, guwantes, silicone at iba pa. Wala rin umanong naipakitang dokumento si Rabor na magpapatunay na isa siyang duktor, at maaaring magpatakbo ng beauty clinic. Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa kasong illegal practice of medicine at estafa.- FRJ, GMA News