Financial reports ng hudikatura, isasapubliko na
Matapos matanggal sa posisyon si Chief Justice Renato Corona, isasapubliko na ng Korte Suprema ang financial report sa special funds ng hudikatura. Ayon kay acting public information office chief Gleoresty Guerra, ang pagsasapubliko ng financial report ay inutos ni acting Chief Justice Antonio Carpio. Kasamang isasapubliko ang report ng Commission on Audit (COA) sa paggastos ng hudikatura. Kabilang sa mga dokumentong isasapubliko sa SC website ay ang pinakahuling financial report ng Judiciary Development Fund (JDF), at ang Special Allowance for the Judiciary (SAJ). Ito ay mula noong Enero 1 hanggang Marso 31, 2012, pati na rin ang pinakabagong 2010 annual COA report ng SC. Nitong Lunes, ipinaliwanag ni Carpio na dahil sa impeachment trial ni Corona, nagkaroon ng panawagan mula sa publiko na magkaroon ng transparency. Dahil dito, inutos niya ang pagsasapubliko ng mga financial report. "The impeachment trial taught us lessons and I think we are learning. We have decided to make public our financial reports... The court in effect has reacted to these charges for lack of transparency," ani Carpio sa book launch ng "History of the Supreme Court" sa Manila. Ang JDF ay nabuo sa pamamagitan ng Presidential Decree 1949. Layunin nito na madagdagan ang allowance ng mga kawani ng hukuman at pondohan ang acquisition, maintenance at repair ng mga kagamitan at pasilidad ng ahensiya. Samantala, nabuo naman ang SAJ sa ilalim ng Republic Act 9227 upang mabigyan ng special allowances ang mga mahistrado, hukom, at iba pang mga miyembro ng hudikatura na may ranggong katumbas ang Court of Appeals at nasa Regional Trial Court. Katumbas ng special funds ang 100 porsiyento ng kani-kanilang buwanang sahod. Nakasaad sa Section 3 na kapag magkaroon ng surplus o pagsobra sa pondo, maibibigay ito sa iba pang tauhan ng korte. Maaaring makita ang financial records sa pamamagitan ng pag-click ng "Public Information" sa itaas na kanang bahagi ng SC website. Isusunod naman ang "Reports on Special Funds." Inilabas ang financial reports isang linggo matapos ihain ng SC en banc ang resolusyong Mayo 30, 2012, na nagpapahintulot sa release ng 2011 Statement of Assets, Liabilities at Net Worth ng justices at judges ng hudikatura. Noong Mayo 29, nahatulang guilty si Corona ng Senate impeachment court dahil sa mali niyang pagdeklara sa kanyang SALN. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News