ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Koko, hindi aanib sa LP, bukas sa bagong kaalyado


Hindi umano iiwan ni Senator Aquilino "Koko" Pimentel ang kanyang orihinal na partido, ang Partido Demokratiko Pilipino-Lakan ng Bayan (PDP-Laban), para lang makianib sa ruling Liberal Party (LP) para sa 2013 senatorial polls. “HIndi ko po bibitawan ‘yung party ko. Wala akong intensyon na iwanan ang PDP-Laban,” ani Pimentel nitong Miyerkules sa panayam ng "Unang Balita" ng GMA News. Kasalakuyang pangulo ng PDP-Laban si Pimentel. Pero, aniya, bukas siya sa pagkakaroon ng mga bagong kaalyado, political party man o kahit anong organized group.  Ito'y matapos tanggihan ng United Nationalist Alliance (UNA) ang kanyang kahilingan na huwag isama sa senatorial slate ng bagong alyansa si resigned Senator Juan Miguel Zubiri para sa 2013 elections. “Kung ang aking desisyon [laban kay Zubiri] ay wala talagang solusyon, bakit pipilitin? Magkakasamaan lang kami ng loob,” aniya. Apat na taong nagtunggali sina Pimentel at Zubiri sa Senate Electoral Tribunal (SET) sa isyu kung sino ang karapat-dapat na makakuha ng ika-12 na posisyon sa Senado noong kontrobersyal na 2007 polls. Noong nakaraang taon lamang naresolba ang isyu nang bumababa sa pwesto si Zubiri bilang senador at binasura ang counter-protest niya laban kay Pimentel. Pumayag din siyang iproklama si Pimentel bilang ika-12 winning senator noong 2007 polls. Pimentel vs Zubiri Nauna nang inihayag ng UNA, ang koalisyon sa pagitan ng PDP-Laban ni Vice President Jejomar Binay at Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni dating Pangulong Joseph Estrada, ang kanilang pagnanais na magkasamang tumakbo si Zubiri at Pimentel para sa senatorial polls sa susunod na taon. Patuloy namang iginigiit ni Pimentel na hindi nito nais tumakbo kasama ni Zubiri, na kanyang tinawag na "election cheat." Nagbanta rin siyang iwan ang UNA kapag mananatili si Zubiri sa alyansa. Nitong Lunes, nagpasya ang mga pinuno ng UNA na panatalihin si Zubiri bilang isa sa mga senatorial bet ng koalisyon. samantala, inihayag naman ng ruling LP ang kanilang pagnanais na kunin si Pimentel para sa kanilang partido, ngunit kinakailangan muna niyang ayusin ang kanyang gusot sa UNA. 'Based on principle' Ayon kay Pimentel, ang kanyang pagtangging tumakbo kasabay ni Zubiri ay nakabase umano sa isang "principle." “Nakikita ko na ‘yung kampanya sa 2013 eh. Ikukwento ko ‘yung mga nangyari sa akin. Ano mangyayari sa amin?” ayon sa senador.   “Kahit paghiwalayin kami, ganoon pa rin eh. Aabot din sa kanya na ito ang sinabi ni Koko nung kampanya, na hindi siya nakaupo ng apat na taon dahil sa’yo. Totoo ‘yun e,” dagdag niya. Sa kabila nito, hihintayin niya ang mga payo ng kanyang mga kasamahan sa PDP-Laban at ng mga tagasuporta niya para sa susunod niyang hakbang. “Hanapan ko pa ng paraan using the Internet or social networking. Baka naman may maganda silang idea or solution sa aking kalagayan,” aniya. Samantala, inihayag ni Zubiri na nais niyang magkaisa sila ni Pimentel. “Sana tanggapin mo sa iyong puso itong gesture of support for you. Sana ay magkaisa na lang tayo. Sana ay magkasama pa rin po kami,” ani Zubiri sa hiwalay na panayam ng "News To Go" ng GMA News TV. Ayon sa kanya, “very much willing" siyang mangampanya para kay Pimentel para sa senatorial polls sa susunod na taon. Sa kabila nito, aminado si Zubiri na nasaktan siya nang tawagin siyang “election cheat" ni Pimentel. “Nakikiusap ako kay Senator Pimentel na huwag naman pong mang-insulto ng ganoong klaseng paratang. Mabigat po iyon eh. Wala pong ebidensya laban sa akin,” aniya. Noong nakaraang buwan lamang pormal na sumali si Zubiri sa PMP. Dati siyang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats party, na pinamumunuan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News