ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Dolphy, ayaw nang mabuhay kung mahihirapan lang — anak


Ayaw na umano ng King of Comedy na si Dolphy (Rodolfo Vera Quizon Sr. sa tunay na buhay) na mabuhay kung mahihirapan lang at doon magpapagaling sa ospital, ayon sa isa sa kanyang mga anak. Sa panayam ni Rhea Santos sa Unang Hirit ng GMA 7 nitong Huwebes ng umaga, inihayag ni Ronnie Quizon na ayaw na umanong makaranas ng paghihirap ang kanyang ama. "Ang sabi niya kasi, ayaw niyang may tinutusok sa kanya. Ayaw niyang buhay nga siya pero nahihirapan naman," ani Ronnie. Kwento ni Ronnie, tinitingan umano siya ng kanyang ama sa mata at sinabi, "Kung mawawala na ako, gusto ko 'swish,' ganoon lang." "Gusto kong ibigay sa kanya iyon. Gusto nga natin siyang buhay, nobody wants him to go, but he doesn't like it that way," dagdag pa ni Ronnie. "Kung hindi na komportable, pahinga nalang. Iyon na 'yung gusto niya e," ayon sa kanya. Sa kabila nito, inihayag ni Ronnie na handa na siya sa kung ano ang magnyayari sa kanyang ama. "Ako, handa na ako e. Kasi, like, two years ago noong na-diagnose siya, pinag-aralan ko 'yung COPD [chronic obstructive pulmunary disease], alam ko 'yung solution. And 'yung solution naman, hindi naman kayang gawin," aniya. Ayon sa kanya, ang pagsasagawa ng lung transplant ang pinakamabuti umanong paraan upang mailigtas ang kanyang ama mula sa sakit. "So eventually, I prepared for the eventuality. Kung ito na nga iyon, prepared na ako," aniya. Sa kabila nito, aminado siyang hindi ito magiging madali para sa kanya. "Obviously, I'm lying kung sabihin kong hindi masakit, hindi ako iiyak, I don't know. I'll cross the bridge when I get there," aniya. "Where there's life, there's hope. And I guess, it's all in God's hand and I believe prayer helps. Pero kung ano talaga gusto ng Diyos, mangyayari 'yan. Kapag umabot, okay," dagdag niya. Nitong Huwebes ng umaga, inihayag ng isa pa niyang anak na si Eric Quizon, na bumubuti na ng kaunti ang kalagayan ng kanyang ama, ngunit nananatili pa ring kritikal. "Actually ‘yung daddy ko parang nag-stabilize siya. So ‘yung condition niya, of course, hindi pa rin siya natatanggal sa tinatawag nating critical state. Hindi pa rin siya pinaaalis doon. But somehow nag-normalize ng kaunti," pahayag ni Ronnie sa hiwalay na panayam ng 'Unang Balita' ng GMA News. "Mas maganda ‘yung lagay niya today. So far ngayon, ‘yung oras na ito, mas maganda ‘yung lagay niya kaysa exactly 12 hours ago. Although hindi pa rin siya talaga tinatanggal doon sa sinasabi nating critical state," ani Eric. Ayon kay Eric, nagsasalita silang magkakamag-anak sa pagbabantay sa comedy king. "Meron kaming mga shifting. Parang mga two hours, two hours. Pagka merong medyo inaantok or medyo nagugutom or ano, talagang nagpapalit-palitan kami," aniya. Kwento ni Eric, ayon umano sa mga duktor, hindi nakararanas ng sakit si Dolphy dahil sa kanyang mga gamot. Sa kabila nito, nahihirapan pa rin ang kanyang pamilya na makita siya sa loob ng ICU. "Of course kapag nakikita natin ‘yung mahal natin na nandoon sa isang ICU at meron mga tubes na nakadikit, siyempre nag-aalala tayo na baka may nararamdaman siya.... Ang sabi ng mga duktor wala siyang nararamdaman but of course he's going through a lot," aniya. Dagdag ni Eric, nakatakda nang umuwi ang ilan niyang mga kapatid mula sa America upang bisitahin ang kanilang ama. "Natawagan namin ‘yung ibang mga kapatid namin sa Amerika. Magsisiuwian talaga at pinipilit nila na talagang makasama pa ang aming mahal na ama," aniya.   “[The doctors] didn’t really give us a specific window [of time]. It can happen anytime," kanyang inihayag sa naunang ulat. Isinugod si Dolphy sa ospital noong Hunyo 9 dahil sa pneumonia. Nakararanas ang komedyante ng COPD. Nitong Huwebes, hiniling ng Malacañang sa mga Pilipino na ipagdasal si Dolphy. Naging trending topic na rin ang hashtag na #PrayforDolphy sa Twitter dahil sa pasusing paghayag ng mga Pilipino sa kanilang pag-aalala para sa kalagayan ng komedyante. — LBG, GMA News

Tags: dolphy