ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Batang lalaki, nalunod sa ilog ng Pangasinan


Patay na nang matagpuan ang isang 10 taong gulang na lalaki na nalunod sa isang ilog sa Dagupan, Pangasinan nitong Huwebes ng gabi. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Biyernes, sinabing batay sa kwento ng mga kasama ng biktima, sumisid umano ito sa ilog nitong Huwebes ng hapon at hindi na umahon. Dakong 7:00 p.m. nitong Huwebes nang makita ang bangkay ng bata. Ayon umano sa lolo ng biktima, hindi marunong lumangoy ang kanyang apo. Malakas din daw ang agos ng ilog kaya posibleng natangay ang biktima. Samantala, pinag-aaralan naman ng lokal na pamahalaan ng Laoac, Pangasinan kung papaano matutulungan ang mga residente ng barangay Inmanduyan na ligtas silang makatawid sa rumaragasang ilog patungo sa kabilang pampang. Mistulang nakikipagsapalaran sa buhay ang mga residente na tumatawid sa ilog matapos masira ng bagyo noong 2009 ang hanging bridge doon. Naglagay na umano noon ang lokal na pamahalaan ng pansamantalang tulay pero inalis rin nang kalawangin na. Dahil sa mga nakaraang mga pag-ulan, lalong lumalim ang tubig sa ilog at lumakas pa ang agos kaya lalong naging mapanganib sa mga tao. Ang mga hindi nais makipagsapalaran sa pagtawid, napipilitang maglakbay ng hanggang limang kilometro para marating ang kabilang pampang. - FRJ, GMA News