ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Estudyante, patay sa pamamaril sa Cebu City; isa pang lalaki, patay naman sa pagsabog ng granada


Dalawa katao – kabilang ang isang estudyante – ang nasawi sa magkahiwalay na karahasan sa Cebu City, ayon sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV. Sa nasabing ulat nitong Biyernes, basta na lamang umano binaril ng tumakas na suspek ang biktima nito na isang estudyanteng lalaki. Kwento ng mga saksi, lumapit umano ang suspek sa biktima para magtanong. Nang hindi sumagot ang biktima, bigla na lang itong pinaputukan ng salarin at tumakas. Inaalam ngayon ng mga imbestigador kung ano ang bagay na nais malaman ng suspek mula sa biktima. Sa Cebu City pa rin, patay naman ang isang lalaki nang masabugan ng dala niyang granada nang sitahin ng mga pulis. Batay sa ulat, minanmanan ng mga pulis ang apat na lalaki dahil sa kanilang kahina-hinalang kilos. Nagtakbuhan ang mga ito palayo nang lapitan sila ng mga awtoridad. Nang masukol ng mga pulis ang apat na lalaki, isa sa kanila ang naglabas ng granada pero biglang sumabog. Nakaligtas naman ang tatlong kasama ng nasawi at nadakip ng mga pulis. Tumanggi umano ang tatlo na magbigay ng pahayag tungkol sa nangyaring insidente. – FRJ, GMA News