Mga sasakyang pandagat ng China, bumalik sa Panatag Shoal, ayon sa DFA
Mayroon na namang mga sasakyang pandagat ng China ang namataan sa isang bahagi ng pinag-aagawang Panatag (Scarborough) Shoal, dalawang araw matapos ihayag ng mga opisyal ng Pilipinas na umalis na ang mga ito sa lugar. “It has been confirmed by the Philippine Navy that, as of two days ago, there were no more ships inside the lagoon. The Chinese fishing boats have obviously returned," pahayag ni Foreign Affairs spokesman Raul Hernandez nitong Martes. Hindi inihayag ng opisyal kung ilang sasakyang pandagat ng China ang nasa loob ng lagoon. Ngunit ayon sa mga opisyal ng Philippine Coast Guard, mayroon silang namataang anim na fishing vessels at 17 service boats sa lugar. Inihayag ng DFA nitong Lunes na wala ng Chinese vessels sa lugar dahil ito ang napagkasunduan ng Manila at Beijing. Dahil sa pagbabalik ng mga barko ng China, maaaring bumalik ang tensiyon sa pagitan ng Manila at Beijing na kapwa umaangkin sa Panatag Shoal. Muling uminit ang usapin sa Panatag Shoal noong Abril 10 nang hulihin ng mga tauhan ng Philippine Navy ang mga mangingisdang Tsino dahil sa ilegal na pangingisda at pagkuha ng endangered marine species sa lugar. Ngunit bago pa man maganap ang paghuli ng mga tauhan ng Navy sa mga Tsino, hinarang umano ng dalawang Chinese marine vessels ang sasakyang pandagat ng Pilipinas na pinagmulan ng standoff. Noong Hunyo 15, pansamantalang natigil ang standoff ng Pilipinas at China matapos iutos ni Pangulong Benigno Aquino III ang pag-pullout ng dalawang barko ng Pilipinas mula sa shoal dahil sa masamang panahon. Una nang sinabi ni Aquino na pababalikin niya ang mga barko ng Pilipinas kapag nananatili doon ang mga sasakyang pandagat ng China. - MFernandez/FRJ, GMA News