ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NDRRMC, nabahala sa pagdami ng mga biktimang tinatamaan ng kidlat


Naalarma ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa pagdami ng mga biktimang tinatamaan ng kidlat nitong nakalipas na mga araw. Sa ulat ni Maki Pulido para sa 'Balitanghali' ng GMA News TV nitong Martes, lumitaw na lima katao na ang nasawi dahil sa magkakahiwalay na insidente ng pagtama ng kidlat sa iba't ibang lugar bansa. Dalawa sa mga nasawi ay mangingisda sa Linacapan, Palawan, habang ang isa pa ay mula sa Biliran. Patay rin ang isang lalaki matapos tamaan ng kidlat sa bukid sa Urdaneta, Pangasinan. Gayundin ang isang binatilyo na residente sa San Mateo, Rizal. "Yung frequency, nakakaalarma ito. Hindi lang dito sa lupa, pati rin sa dagat kaya wawarningan natin itong mga kababayan nating mag-ingat," ayon kay NDRRMC Undersecretary Benito Ramos. "Ngayon ko lang na-experience ito," dagdag niya. Payo ng NDRRMC sa publiko, huwag nang pumunta sa bukid o lumayag sa dagat kapag masama ang panahon. Hindi lamang umano alon ang kalaban ng mga mangingisda sa ganitong sitwasyon, ngunit pati na rin ang kidlat. Pag-iwas sa kidlat Samantala, naglabas naman ng ilang gabay ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) upang makaiwas sa pagtama ng kidlat. Sa panayam ni Maki Pulido sa hiwalay na ulat, inihayag ni PAGASA weather forecaster Jori Loiz na karaniwang na ang pagkidlat sa bansa. "Hindi tayo safe sa buong taon eh, dahil nasa tropics tayo. At saka, pinapaligiran tayo ng tubig so 'yung weather natin, mabilis na magpalit. Nakakapag-produce agad ng mga cumulonimbus clouds in three hours," ayon kay Loiz. Dapat umanong bantayan ang mga cumulonimbus clouds, o makakapal at hugis cauliflower na ulap dahil nagdadala ito ng malakas na paghangin, pag-ulan, pagkulog at pagkidlat. Karaniwan umanong tinatamaan ng kidlat ang mga matataas na bagay. Hindi raw dapat humiga kapag nasa open field at sa halip dapat mag-crouch position at takpan ang tainga. Mahalaga ring huwag hawakan ang tuhod at lupa dahil mas dadaloy ang kuryente sa katawan, dagdag nito. Ipinagbabawal din ang paglapit at paghawak sa mga puno. "Actually, ang kidlat hindi tumatama sa gitna, hindi siya dumadaloy, kundi sa gilid lang. Sa gilid lang ng puno, yung bark niya at yung pinakalabas niya. So kapag ikaw malapit lang doon, pwede ka nang maapektuhan. Lalo na siguro kung nakatapak ka sa puno," paliwanag ni Loiz. Kapag nasa loob naman ng bahay o gusali, dapat lumayo sa bintana at huwag humawak sa kable at tubo na may tubig. Ayon naman kay Dr. Emmanuel Bueno, ER Chief ng East Avenue Medical Center, hindi lamang sunog sa katawan ang dulot ng pagtama ng kidlat, kundi naaapektuhan din nito ang puso. “Yung sunog niya kasi is just like any malakas na kuryente. Talagang masusunog yung katawan. ‘Pag direct hit siya, maapektuhan yung puso, kasi yung puso natin may current din ‘yan. Matatalo yun at titigil siya, bukod dun sa sunog sa katawan," ani Bueno. Isa sa bawat 600,000 Ayon naman sa PAGASA, bihira lamang ang pagkakataong may matatamaan ng kidlat. Sa katunayan, isa lamang sa bawat 600,000 na katao ang natatamaan ng kidlat. Umaabot naman ng 30,000 degrees Celsius ang hangin na pumapalibot sa kidlat. Kaya namang pailawin ng kuryente mula sa kidlat ang isang 100 watts na bumbilya sa loob ng tatlong buwan, ayon sa ulat. - Mandy Fernandez/FRJ, GMA News

Tags: lightning, kidlat