‘Pagladlad’ ni Anderson Cooper, ikinatuwa ng grupong nagsusulong sa karapatan ng 'LGBT'
Ikinatuwa ng isang grupong nagsusulong sa karapatan ng lesbian, gay, bisexual, and transgender (LGBT) community ang ginawang pag-amin ng 45-anyos na CNN anchor na si Anderson Cooper na bakla siya. Sa ulat ni GMA News reporter Joseph Morong sa GMA News TV’s State of the Nation with Jessica Soho, sinabi ni Bemz Benedicto, national chairperson ng grupong Ang Ladlad, na nakatutulong sa kanilang krusada ang pag-amin ng mga sikat na personalidad na sila’y bakla. Ayon kay Benedicto, bagaman “tini-tolerate" umano ang mga bakla sa Pilipinas, hindi pa rin naman daw sila lubos na “tinanggap" sa lipunan. Isang halimbawa umano nito ay ang patuloy na diskriminasyon at hate crime na ginagawa sa mga miyembro ng LGBT community sa iba't ibang lugar sa bansa. Puna pa ni Benedicto, hanggang ngayon ay wala pang pambansang patakaran ang pamahalaan o batas na nagbibigay proteksyon sa mga miyembro ng LGBT community. Isa sa mga binigyan-pansin ni Cooper sa kanyang “pagladlad" ay ang nagaganap na bullying at diskriminasyon sa mga bakla. “I’ve also been reminded recently that while as a society we are moving toward greater inclusion and equality for all people, the tide of history only advances when people make themselves fully visible. "There continue to be far too many incidences of bullying of young people, as well as discrimination and violence against people of all ages, based on their sexual orientation, and I believe there is value in making clear where I stand. "The fact is, I'm gay, always have been, always will be, and I couldn’t be any more happy, comfortable with myself, and proud," bahagi ng sulat ni Cooper na ipinadala niya sa isang kaibigan. Dahil kilala si Cooper na nag-cover sa mga delikadong lugar, sinabi sa ulat na binasag niya ang karaniwang pagkilala sa mga bakla na malamya at duwag. “Yung pag-amin niya ngayon ay ipinapakita rin na kahit ikaw ay isang bakla, pwede ka ring maging matapang at pwede mo ring magampanan ang trabaho mo, propesyon mo na hindi ka dapat sinusukat," ayon kay Benedicto. - FRJ, GMA News