ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Kapayapaan sa rehiyon, iginiit ng China sa gitna ng 'US spy planes' isyu


Isang araw matapos ihayag ni Pangulong Benigno Aquino III na maaaring hilingin ng Pilipinas sa United States na gamitin ang mga spy plane nito para mag-monitor sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea (tinatawag din na South China Sea), iginiit ng Beijing ang pagsulong ng kapayapaan sa rehiyon. Inihayag ni Chinese Foreign Ministry spokesman Liu Weimin na nais ng China na maging payapa at matatag ang Asia-Pacific region, ayon sa isang ulat ng web portal ng Chinese government noong Martes ng gabi. “We hope the relevant party will do more things that are conducive to regional peace and stability,” ani Liu. Tinutukoy ni Liu ang paghayag ni Aquino sa Reuters na maaaring hilingin ng Manila sa United States na gamitin ang kanilang spy planes para i-monitor ang West Philippine Sea. Nagsimula ang pinakahuling alitan ng China at Pilipinas noong ika-10 ng Abril kung kailan tinangka ng mga tauhan Philippine Navy na huliin ang walong Chinese fishing boats na umano'y ilegal na nangisda at nanguha ng endangered marine species sa Panatag Shoal.   Ngunit bago pa man maganap ang pang-aaresto ng mga tauhan ng Philippine Navy lulan ng BRP Gregorio del Pilar, humarang ang dalawang Chinese marine vessels. Dito na nagsimula ang standoff. Sinubukan kapwa ng Manila at Beijing ang pagresolba sa isyu sa pamamagitan ng "diplomatic means." Ayon naman sa Malacañang, pananatalihin ng Pilipinas ang pagnanais nito na magkaroon ng mayapang resolusyon ang alitan. "Taken out of context" umano ang naging pahayag ni Aquino tungkol sa US spy planes. Ayon kay Communications Secretary Ramon Carandang, sinagot lamang ni Aquino ang tanong kung papayagan ba ng Pilipinas ang "flyover" ng mga US surveillance plane (Orions), at kung inaprubahan ba ito ng gobyerno ng Pilipinas. “The President said that was one of the options. Remember that we have a responsibility to monitor our territory to make sure that there are no incursions for one reason or another and our capabilities are rather limited,” ani Carandang.   “The President was responding in the context of saying that it’s one of the options being considered to enable us to enhance our ability to monitor our territory. Now, he reiterated that there have been no decisions and that the primary responsibility belongs to the Philippine government,” dagdag pa ni Carandang. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News

Tags: panatag, shoal