Sa pagtaas ng turismo sa bansa, kakailanganin ang mas maraming chef -- DOLE
Kasabay ng patuloy na pag-angat ng turismo sa Pilipinas, lumalakas din umano ang industriya ng hotel at restaurant kaya naman tinututukan ito ng Department of Labor and Employment (DOLE). Sa isang pahayag nitong Huwebes, sinabi ni DOLE Secretary Rosalinda Dimapilis-Baldoz na ang paglakas ng turismo ay nangangahulugan ng pagsigla ng hotel at restaurant industry. Sa datos umano ng Department of Tourism, umabot sa 1,497,851 ang bilang ng mga turistang dumating sa Pilipinas mula pa lamang nitong Enero hanggang Abril ngayong 2012. Mas mataas umano ito kumpara sa 1,306,944 turistang bumisita sa bansa sa parehong panahon noong nakaraang taon. "Kapag nagpatuloy ang ganitong takbo, ang pagsigla sa industriya ng hotel at restaurant ay mangangahulugan ng mas malaking oportunidad para sa ating manggagawa," ayon sa kalihim. Sa pag-unlad ng industriya ng hotel at restaurant, nais ng DOLE na isulong ang larangan sa husay sa pagluluto o chef. Sa katunayan, isinama ng DOLE ang chef sa mga tampok na trabaho sa DOLE Career Guide. Nakasaad dito na hindi kinakailangan ng partikular na kurso upang maging chef. Ngunit binibigyang prayoridad ng mga employer ang mga nakapagtapos ng high school at ang mga nakakumpleto ng kurso na kaugnay sa industriya. Ang mga nakapagtapos ng apat na taong degree sa International Hospitality Management, na may specialty sa culinary arts ay maaaring makakuha ng mga trabahong mayroong mataas na sahod katulad ng mga executive chef sa mga prestihiyosong restaurant o hotel. Nagkakahalaga ng P170,000 hanggang P200,000 ang bawat semester sa degree na International Hospitality Management, kasama na ang mga gamit na kakailanganin sa kurso. Umaabot naman ng P10,000 hanggang P18,000 ang buwanang sahod ng mga entry level chefs, depende sa antas ng kanilang edukasyon at kung saan sila nagtatrabaho. “There are many employment and business opportunities for a chef, which includes authoring a cookbook, going into catering business for weddings, and business functions, among others. They can also work as consultants for restaurant owners who want to develop special menus," ani Baldoz. Indirect jobs Samantala, sa hiwalay na panayam ng GMA News Online, inihayag ni Labor and Employment Officer III Jerome Garcula na nakatutulong din ang pagtaas ng turismo sa mga umano'y indirect job, o ang mga trabahong apektado sa pagdami ng mga dayuhang bumibisita sa bansa. Halimbawa ng mga trabahong ito ay sa industriya ng transportasyon. Maaari umanong kailanganin ng mga dayuhan ang transportasyon sa pagtungo nila sa iba't ibang lugar. - Mandy Fernandez/ FRJ, GMA News