Sugat, tinahi ring mag-isa: Babaeng buntis, hiniwa raw ang sariling tiyan para makuha ang baby
Isang ginang na siyam na buwang buntis ang ipinaanak umano ang sarili sa Maynila sa pamamagitan ng cesarean operation. Sa kasamaang-palad, nasawi ang sanggol. Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News Balitanghali nitong Sabado, lumitaw sa imbestigasyon na hiniwa umano ng ginang ang sarili nitong tiyan sa pamamagitan ng paggamit ng karaniwang kutsilyo. Nang makuha ang sanggol, tinahi rin daw ng babae ang sugat na may habang 12 sentimetro gamit ang karaniwang karayom at sinulid. Dinala ang babae sa Ospital ng Sampaloc noong Miyerkules dahil dinudugo umano ito. Inamin daw ng ginang sa mga duktor na isa siyang midwife. Idinahilan din umano ng babae na maraming magagalit kaya kinailangan niyang alisin ang sanggol sa kanyang sinapupunan. Inirekomenda naman ng Manila Police District na isailalim sa psychiatric test ang babaeng para matiyak ang kalagayan ng pag-iisip nito. Nahaharap ang babae sa kasong intentional abortion. Sinabi rin ni S/Insp. Joselito de Ocampo ng MPD Homicide, iniimbestigahan din nila kung mayroong kasama ang babae nang gawin nito ang pag-opera sa sarili. -- FRJimenez, GMA News