ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Boracay, pinakamagandang isla sa buong mundo, ayon sa isang survey


Hinirang ng isang travel and leisure magazine bilang "Best Island in the World" ang Boracay na makikita sa lalawigan ng Aklan. Sa pinakabagong survey na makikita rin sa travelandleisure.com, umakyat ang sikat na tourist destination sa Aklan sa No.1 spot mula sa dati nitong puwesto na ika- noong 2011. Natalo ng Boracay ang iba pang sikat na mga isla sa buong mundo. Kabilang dito ang Bali sa Indonesia, Great Barrier Reef Islands ng Australia, Big Island ng Hawaii at ang Sicily ng Italy. Pinalitan ng Boracay sa No. 1 spot ang lider noong nakaraang taon na Santorini, isang sikat na volcanic island sa timog-silangang Greece at matatagpuan sa Aegean Sea. Sakop ng Malay town sa Aklan, ang Boracay ay sinasakop ng tatlong barangay. Sikat ang isla dahil sa taglay nitong white sand beach. Bukod sa scuba diving, snorkeling, windsurfing, kiteboarding, at cliff diving, dinadagsa rin ang Boracay dahil sa night life dito na pinasisigla ng iba't ibang restaurants, bars, at night clubs. Nanguna naman ang Discover Shores, matatgpuan din sa isla, sa listahan ng "Best Hotel Spas" sa buong Asya. Ito na ang ika-17 survey na ginawa ng Travel + Leisure, kung saan tinatanong nila ang mga mambabasa ng magazine kung anu-ano ang mga pinakamagagandang lungsod, isla, cruise lines, airlines, at spas sa buong mundo. Noong nakaraang taon, kinilala na ang Boracay sa "Travelers' Choice 2011" ng TripAdvisor bilang pangalawa sa pinakamagandang beach sa buong mundo.-- JGVillabrille/FRJ, GMA News

Tags: boracay