ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Seguridad sa airports, hinigpitan dahil sa misteryosong sakit na kumakalat sa Cambodia


Lalo pang hinigpitan ng pamahalaan ang pagmo-monitor sa mga pasaherong dumadating sa bansa na maaaring may sintomas ng isang "misteryosong sakit" na kumitil na sa buhay ng humigit-kumulang sa 60 bata sa Cambodia. Sa isang ulat sa radio dzBB, sinabi ng Bureau of Quarantine na pinaigting na nila ang pag-iinspeksyon sa lahat ng mga biyaherong naggaling sa timog silangang Asya, partikuylar na sa Cambodia. Ayon pa kay National Epidemiology Center head Dr. Enrique Tayag, patuloy pang nagsusuri ang Department of Health (DOH) para sa posibleng sanhi ng hindi pa nalalamang karamdaman. "The DOH is now monitoring the Cambodian respiratory disease. Airports will screen inbound travelers as standard operating procedure," ayon kay Tayag sa kanyang Twitter account. Natuklasan na pawang mga batang pitong taon gulang pababa ang nabibiktima ng sakit. Pag-amin ni Tayag, wala pa silang masyadong nalalaman ukol sa pinagmulan ng sakit, pero iginiit niya na ito ay "fatal" o nakamamatay. "Transmission unknown, causative organism unknown... fever and respiratory or neurological [problem] followed by death within 24 hours," matinding babala ng opisyal. Napansin rin na tumaas ang bilang ng white blood cells ng mga batang tinamaan ng sakit. Pinayuhan na ng DOH ang mga taong balak pumunta s Cambodia na ipagpaliban muna ang kanilang biyahe habang nangangalap pa ang mga awtoridad ng impormasyon tungkol sa sakit. Samantala, pinawi naman ng Malacañang ang pangamba ng mga Pilipino sa kakaibang sakit, sabay sabing hindi pa naman kailangan maglabas ng isang travel advisory sa Cambodia. "The Department of Health is monitoring that, tingnan kung ano ang respiratory disease nayan," pagtitiyak ni Presidential spokesperson Edwin Lacierda. Ayon sa World Health Organization, higit sa 70 kaso na ang naitala nila simula ng mapabalita ang sakit noong Abril. “Of these, 57 cases (including 56 deaths), presented a common syndrome of fever, respiratory and neurological signs, which is now the focus of the investigation,” ayon sa WHO. Puspusan ngayon ang pag-iimbestiga at pagsusuri ng WHO at patuloy ang pag-aaral sa mga samples sa Institut Pasteur sa Cambodia. Pinayuhan na ng pamahalaan ng Cambodia ang mga mamamayan nito na ugaliin nang maging malinis sa katawan ang maghugas lagi ng mga kamay. Hinikayat din ang mga magulang na huwag nang magdalawang isip na dalhin sa ospital ang mga anak nila kapag dinapuan sila ng lagnat o iba pang sintomas ng kakaibang sakit. — LBG, GMA News