Davao Vice Mayor Duterte, iimbestigahan ng DILG dahil sa insidente ng ‘chewing gum’
Bumuo ng isang komite ang Department of Interior and Local Government (DILG) para imbestigahan ang umano’y pagpapakain ni Davao City Vice Mayor Rodrigo Duterte ng papel sa isang suspek na inakusahang naniningil ng upa sa mga nakatira sa lote na hindi naman niya pag-aari. “I have ordered the creation of a fact-finding team which will include DILG officials from Region 11 to get to the bottom of the case," nakasaad sa pahayag ni Interior Secretary Jesse Robredo nitong Biyernes. “I can understand the cries against Duterte’s human rights violations but he must also be subjected through the legal process," dagdag ng kalihim. Gayunman, sinabi ni Duterte na wala pa rin pormal na nagrereklamo laban kay Duterte kaugnay sa naturang insidente ng pagpapakain umano ng bise alkalde ng papel sa suspek na si Manolito Gavas. Pero nauna nang inihayag ni Duterte na “chewing gum" at hindi papel ang nakunan sa video na nginunguya ni Gavas. “We first need to have the formal complaint of Mr. Gavas and the side of Vice Mayor Duterte before we can make our conclusions and recommendations on the matter," ayon kay Robredo. Sa nakaraang panayam kay Gavas, nagpahayag ito ng kawalan ng interes na ireklamo si Duterte. Si Gavas ay dinakip ng mga pulis dahil sa reklamo na nangangamkam ito ng lupa. Naniningin din umano ito ng P250 sa mga taong nais magtayo ng bahay sa lote na inaangkin nito. Hindi raw nagustuhan ni Duterte ang ginagawang pagsasamantala ni Gavas sa mga mahihirap sa lungsod at kinumpronta ang suspek sa loob ng presinto. Noong nakaraan taon, inimbestigahan din ng DILG ang anak ni Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio dahil naman sa ginawang pagsuntok sa isang court Sheriff sa gitna ng kaguluhan sa nagaganap na demolisyon. Kamakailan lang ay pormal na humingi ng public apology ang alkalde sa nagawa niya sa court Sheriff. -- FRJ, GMA News