Magkasunod na pumanaw ang 2 sikat na komedyante
Dobleng pagluluksa ang naganap sa showbiz industry noong 1995 nang magkasunod na pumanaw ang dalawang sikat na komedyante sanhi ng kanilang mga karamdaman. Disyembre 16, 1995 nang pumanaw dahil sa stroke ang noo'y 59-anyos na actor at TV host na si Bert “Tawa" Marcelo. Pinasikat ni Bert Tawa ang linyang “Bruno!" sa komersiyal ng isang sikat na brand ng serbesa. Nakilala rin siya bilang co-host ni Pilita Corrales sa sikat na television singing contest noon na, “Ang Bagong Kampeon." Dalawang araw pa lamang muna nang pumanaw si Bert Tawa, namatay naman (Disyembre 18, 1995) ang sikat na partner sa pagpapatawa at matalik na kaibigan ni Dolphy na si Panchito Alba o simpleng Panchito. May dalawang buwan na naratay sa ospital ang noo'y 70-anyos na si Panchito na nagkasakit ng cardio pulmonary arrest, bago siya binawian ng buhay. Huling pelikula na nagawa ni Pachito ang Father en Son at Home sic Home na ipinalabas noong 1995, kung saan kasama rin niya si Dolphy. Samantala, tumakbo pero natalong gobernador ng lalawigan ng Bulacan si Bert Tawa noong May 1995 elections. -- FRJ, GMA News