Araw ng SONA, 'di holiday ayon sa Palasyo
Hindi holiday at mayroon pa ring pasok sa opisina at mga paaralan sa Hulyo 23, ang araw ng State of the Nation Address ni Pangulong Benigno Aquino III, paglilinaw ng tagapagsalita ng Palasyo. “Parang hindi naman. Wala akong narinig na ganyang usapan na magiging nonworking holiday ang SONA,” ani Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte sa isang panayam sa dzRB radio ngayong Linggo. Kasalukuyan na rin daw nire-review ng Pangulo ang draft ng speech na ibibigay niya sa SONA sa harap ng buong Kongreso sa Batasang Pambansa Complex sa Quezon City. Inaasahang isa na namang gawa ni Paul Cabral ang isusuot na Barong Tagalog ng Pangulo, dagdag ni Valte. Umaasa naman si Valte na maging mapayapa ang SONA. Nanawagan ang opisyal ng Palasyo na huwag sana samantalahin ng mga demonstrador ang "maximum tolerance" na ipatutupad ng Philippine National Police (PNP) upang manggulo. "Naroon ang pulis para siguraduhing walang masaktan pero huwag natin saktan ang pulis. They are there to keep the peace," sabi ni Valte. “I hope all sectors will also cooperate in keeping that peace,” dagdag niya. Sa isang pulong noong Biyernes, napagkasunduan na magpapakalat ng humigit kumulang 7,000 pulis sa Commonwealth Ave. Area upang panatilihing mapayapa ang sitwasyon sa gaganaping SONA. Bukod sa mga pulis, maglalagay din ng concrete barriers at steel railings sa Commonwealth Avenue, at container vans naman sa tapat ng St. Peter's Parish. Isasara sa mga sasakyan ang bahagi ng Commonwealth Avenue papuntang Fairview sa araw ng SONA. Bubuksan naman ang kabilang bahagi para sa counterflow. Magsisilbi namang stand-by forces ang militar at ang mga miyembro ng PNP Special Action Force. Ang militanteng Bagong Alyansang Makabayan ay nakapag-apply na ng permiso para makapag-rally sa Batasan Road, ngunit hindi pa sinasagot ang request nila hanggang ngayon. Ayon sa Bayan, mahigit sa 10,000 miyembro nila ang makikibahagi sa programang inihanda nila para sa SONA. "We believe that the people have the right to present their grievances as close as possible to the institution that they are addressing their demands to. Moreover, Batasan road is a wide enough highway to accommodate the protesters," sinabi ng grupo sa isang pahayag. Nakatakdang iulat ni Aquino sa harap ng buong Kongreso ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at ang mga accomplishment na nagawa ng administrasyon niya sa nakaraang taon. — LBG, GMA News