Lalaking pinanguya raw ng papel ni Davao City Vice Mayor Duterte, nakalaya
Pansamantalang nakalaya ang lalaking pinakain umano ng papel ni Davao City Vice Mayor Duterte na dinakip ng mga pulis dahil sa reklamong pag-angkin ng pribadong lote at naniningil ng renta sa mga nagtatayo ng bahay sa naturang lote. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, sinabing nakalaya si Manolito Gavas at tatlo pa nitong kasama matapos makapagpiyansa sa kasong trespassing. Si Gavas ay dinakip ng mga pulis noong nakaraang linggo matapos magreklamo ang tunay na may-ari ng lupa. Nadiskubre rin na naniningil ito ng renta sa mga taong pinapayagan niyang magtirik ng bahay sa lote. Galit na binisita ni Duterte si Gavas sa loob ng presinto at doon ay nakunan ng video ang suspek na tila may nginunguyang papel. Pero paliwanag ni Duterte, chewing gun lamang ang nakitang kinakain ni Gavas. Bukod sa kasong trespassing, nahaharap din si Gavas sa kasong grave threat, qualified theft, malicious mischief, at syndicated estafa trough falsification of public documents. – FRJ, GMA News