ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Matataas na kalibre ng baril, nakita sa bahay ng alkalde ng Urbiztondo


Umabot sa 14 na iba’t ibang uri ng baril ang natagpuan sa bahay ng alkalde ng Urbiztondo sa lalawigan ng Pangasinan nitong Miyerkules ng umaga. Armado ng search warrant, tinungo ng mga operatiba ng Philippine National Police ang bahay nina Mayor Ernesto Balolong at misis niya na si Councilor Mirla Balolong. Kusang inilabas naman ng alkalde ang mga baril nito na kinabibilangan ng siyam na mahahabang baril at limang short firearms. “Karamihan sa mga ito (baril) nabili, transfer, at license owner din by amnesty," paliwanag ni Mayor Balolong. Sa 14 na baril, isang baril lang ang paso na ang lisensya. Paliwanag naman ni Gng. Balolong, kailangan nila ang baril bilang proteksiyon dahil madalas na sila lamang ang naiiwan sa bahay. Bukod sa mga baril, nakita rin sa bahay ng mga Balolong ang iba’t ibang mga bala at mga magazine. Tumanggi naman ang alkalde na dalhin ng mga operatiba ang kanyang mga baril sa Camp Crame sa Manila para maberipika. Iginiit niya na legal ang mga baril at pawang dokumentado. Sa huli, nagpasya ang mga operatiba na tanging ang M-16 armalite na paso na ang lisensya ang kanilang kinumpiska. - JArcellana/Jing/FRJ, GMA News