Nadiskubreng sinkhole sa sapa sa Cebu, posibleng dahil sa lindol
Posibleng may kinalaman umano ang tumamang lindol sa Western Visayas noong Pebrero sa nakitang sinkhole sa isang sapa sa Barili, Cebu. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV, hindi rin umano inaalis ng Mines Geosciences Bureau sa Region 7 ang posibilidad na baka may kinalaman din ang ginagawang paghuhukay sa isang bahagi ng sapa sa nakitang sinkhole. Sa ngayon ay hindi umano nararapat na tabunan ang sinkhole sa sapa dahil hindi pa nakikita kung gaano kalalim at kalapad ang butas sa ilalim ng tubig. Una rito, napag-alaman na 70 porsiyento ng kalupaan sa Cebu ay may limestone component kaya madaling magkaroon ng sinkhole sa lalawigan. Bukod sa Barili, may mga nakita ring sinkhole sa mga bayan ng Dalaguete, Dumanjug at sa Ginatilan. - FRJ, GMA News