Pagdinig sa kasong pandarambong ni Arroyo, ‘di aapurahin ng Sandiganbayan
Tatratuhing karaniwang kaso ng Sandiganbayan First Division ang plunder case na kinakaharap ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Ang pahayag ay ginawa ni Associate Justice Efren dela Cruz, pinuno ng 1st Division, matapos ipa-raffle ang kaso ni Arroyo nitong Biyernes. “It will just be an ordinary case," deklara ni dela Cruz, na sumagot din ng “no" nang tanungin kung magsasagawa sila ng marathon hearing gaya nang ginawa noon sa plunder case ni dating Pangulong Joseph Estrada. Ang kasong pandarambong na isinampa ng Office of the Ombudsman laban kay Arroyo at siyam na iba ay kaugnay sa maanomalyang paggamit umano sa P365,997,915 intelligence fund ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) mula 2008 hanggang 2010. Bukod kay Arroyo, kasama sa kaso sina dating PCSO Board of Directors chairman Sergio O. Velancia; dating PCSO general manager Rosario C. Uriarte; PCSO directors Manoling Morato, Jose R. Taruc V, Raymundo T. Roquero at Ma. Fatima A. S. Valdes; PCSO budget officer Benigno B. Aguas; dating Commission on Audit chairman Reynaldo A. Villar at dating COA-Intelligence Fund Unit head Nilda B. Plaras. Kasalukuyang nakadetine sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) sa Quezon City si Arroyo dahil naman sa kasong electoral sabotage na nakabinbin sa Pasay City Regional Trial Court. Graft case vs Cebu Gov. Garcia, nasa 2nd Division Samantala, napunta naman sa Sandiganbayan Second Division ang two counts of graft at one count of technical malversation na isinampa ng Ombudsman laban kay Cebu Gov. Gwendolyn Garcia. Ang kaso laban kay Garcia na isinampa rin ng Ombudsman ay kaugnay sa umano’y maanomalyang pagbili ng pamahalaang panlalawigan ng 25-hektaryang Balili Estate sa Naga City, Cebu na nagkakahalaga ng P98.9 milyon. Lumitaw umano sa isinagawang pag-aaral na lugi ang pamahalaan sa naturang pagbili ng ari-arian dahil ang 19.67 hektaryang bahagi ng Balili Estate ay nakalubog sa tubig-dagat. Itinanggi na ni Garcia ang alegasyon laban sa kanya. Si Garcia ay kabilang sa mga napipisil ng United Nationalist Alliance (UNA) nina Vice President Jejomar Binay at dating Pangulong Estrada, na isabak sa 2013 senatorial elections. - RP/FRJ, GMA News