Lugar na may pinakamaraming OFWs
Alam niyo ba kung saang bahagi ng Pilipinas nanggaling ang pinakamalaking bahagi ng 2.2 milyong dokumentadong overseas Filipino workers (OFWs) na naitala noong Abril hanggang Setyembre 2011? Sa talaan ng National Statistics Office (NSO), lumitaw na umabot sa 2.2 milyon ang mga overseas contract workers (OCWs) mula Abril hanggang Setyembre 2011. Mas mataas ito kumpara sa 2.0 milyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2010. Mas marami rin ang lalaking OCWs na kumakatawan sa 52.2 percent, kontra sa 47.8 percent na mga babae. Pinakamarami ang nagtatrabaho (32.7 percent) bilang laborer and unskilled workers, at pinakakaunti naman ang mga propesyunal (10.6 percent). Tinatayang 16.5 percent ng OCWs ang nagmula sa CALABARZON area (Cavite, Laguna, Batangas, at Quezon). Sumunod naman ang Central Luzon na may 14.3 percent at Metro Manila na may 12.5 percent. Pinakakaunti ang nanggaling sa Caraga Region na umabot lang sa 1.6 percent. Nananatiling ang Saudi Arabia ang pangunahing destinasyon ng mga OCWs (22.6 percent), at sumunod ang United Arab Emirates (14.6%), Qatar (6.9%), Singapore (6.3%) at Hong Kong (5.3%). -- FRJimenez, GMA News