Pinakamahaba at pinakamaigsing talumpati sa SONA
Tinatayang umabot sa isa’t kalahating oras ang talumpati ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa kanyang katatapos na 2012 State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 23. Pero kilala niyo ba kung sinong presidente ay may pinakamahaba at pinakamaigsing naging talumpati sa SONA? Sa pamamagitan ng kanyang Twitter account, inilahad ni Undersecretary Manuel L. Quezon III ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office, ang listahan ng nakaraang mga SONA ng mga naging Pangulo ng bansa. Ayon kay Quezon, sa ngayon, ang may hawak ng titulo na may pinakamahabang talumpati ng SONA batay sa dami ng salitang nagamit dito ay si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Ang pinakamahabang SONA speech ay ginawa umano ni Marcos sa kanyang 1969 SONA na may titulong, “New Filipinism: The Turning Point." Mayroon itong kabuuang 30,427 words, at inilahad niya sa bulwagan ng Kongreso sa Maynila noong Enero 1969. Samantala, pinakamaigsi naman ang naging SONA ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na umabot lamang ng 1,551 words. Binasa niya ito noong Hulyo 2005 sa Batasang Pambansa Complex, sa Quezon City. Ang talumpati ni Aquino sa katatapos na 2012 SONA ay nasa pang-17 puwesto lamang ng mga pinakamahabang talumpati na may kabuang 8,890 words. - FRJimenez, GMA News