ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Palasyo, nanindigang mababa ang krimen sa bansa; binaril na kolumnista, pumanaw na


Nanindigan ang pamahalaan na bumaba ang mga kaso ng krimen sa Pilipinas sa kabila ng pagbaril at pagpatay sa kolumnista at dating pinuno ng Philippine Tourism Authority (PTA) na si Nixon Kua. Pumanaw si Kua nitong Lunes ng gabi sa Calamba Medical Center bunga ng tinamong tama ng bala sa mukha matapos na barilin ng mga suspek na nanloob sa bahay ng kanyang kapatid sa Laguna noong Sabado. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, pagnanakaw ang motibo ng mga salarin. Apat na suspek na ang nadakip na kinilalang sina John Rey Cortez, Noel Garcia, Michael Molino, at Darwin Samiano. Sa pulong balitaan sa Malacanang nitong Martes, sinabi ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte na ang kaso ni Kua ay hindi sumasa sa pangkalahatang sitwasyon ng krimen sa bansa. Ito ay batay na rin umano sa naging laman ng talumpati ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, sa kanyang State of the Nation Address na pababa ang naitatalang sitwasyon ng krimen sa bansa. Batay sa talumpati ni Aquino, sinabing ang crime volume sa bansa ay bumaba sa 246,958 nitong 2011, kumpara sa 500,000 krimen noong 2009. “Nakikiramay po kami doon sa mga kaibigan, mga mahal sa buhay at mga naiwan po ni Ginoong Kua. Binabantayan po namin iyung progreso noong kanyang kaso. Sa akin pong pagkakaalam kaninang umaga ay meron na po silang mga suspects… Binabantayan po natin iyung kaso at umaasa po tayong magiging mabilis iyung pag-usad nung hustisya para kay Ginoong Kua," pahayag ng opisyal. Kamakailan lang ay inamin ng Philippine National Police- National Capital Region Office, na tumaas ng 36 percent increase sa nagaganap na krimen sa Metro Manila sa unang anim na buwan ng 2012. Sa listahan ng PNP, umabot sa 29,231 krimen ang naganap sa NCR mula Enero hanggang Hunyo ngayong 2012, mahigit doble sa naitalang 18,672 krimen sa kaparehong panahon noong 2011. Pero giit ni Valte, ang pagtaas ng krimen ay naitala lamang sa NCR pero nananatiling mababa sa pangkalahatan ng bansa. “Iyung sa NCR po, tumataas iyan—tumaas siya. Pero, overall, bumaba—mababa pa rin po iyung figures natin. Ang sinasabi lang po natin dito, hindi po magiging apples to apples iyung comparison, kung gagamitin mong buo ang datos ng 2009, buo iyung datos ng 2010, buo ang datos ng 2011, ang 2012 hindi pa tapos," paliwanag niya. Sa kabila nito, nagpahayag naman ng pagkadismaya ang National Press Club of the Philippines (NPC) sa kalagayan ng peace and order sa bansa kasunod ng pagpatay kay Kua. “Even as we, members of the press, are always ready to help the authorities in its campaign against criminality, we cannot ignore the obvious—there is still much to be done to improve the utterly dismaying state of peace and order in the country as evidenced by the recent attack on former government official and Pilipino Star Ngayon columnist, Nixon Kua and his brother by armed robbery suspects," nakasaad sa pahayag ni Benny Antiporda, presidente ng NPC. -- MFernandez/FRJ, GMA News