ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

JPE, Belmonte, may huling hirit para mapapayag si PNoy sa Cha-cha


Sa darating na Lunes ang huling pagkakataon nina Speaker Feliciano “Sonny" Belmonte Jr. at Senate President Juan Ponce Enrile para makumbinsi si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III na suportahan ang planong amyendahan ng ilang probisyon sa Saligang Batas. Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ni House Majority Leader Rep. Neptali Gonzales II, na pagpapalago sa ekonomiya ang pangunahing layunin sa gagawing pag-amyenda sa Konstitusyon. “The Speaker and the Senate President will explain to President Aquino the wisdom behind Charter amendments that would be limited to economic provisions. This is to ensure the continuity of the country’s economic growth," paliwanag ng kongresista. Sinabi ni Gonzales na isinama siya ni Belmonte sa pagpupulong na maaaring gawin sa Palasyo. Dito ay malalaman na umano ang magiging kapalaran ng Charter change. “This will make or break the initiative to push Charter change in the present Congress," pahayag ng kongresista na aminadong hindi magtatagumpay ang Cha-cha kung wala ang suporta ng pangulo. Aminado rin naman si Belmonte na mahihirapan siyang kumbinsihin si Aquino na pumayag na galawin ang Saligang Batas dahil naging malamig ang tugon ng pangulo nang makausap niya ito noon sa naturang usapin. Gayunman, nagpasalamat siya kay Aquino dahil wala naman itong direktang pahayag na ginawa na pumipigil sa Kongreso na isulong ang Cha-cha. Ang mga probisyon na naglilimita sa mga dayuhan na mamuhunan at maglagak ng negosyo sa bansa ang dapat umanong baguhin sa Saligang Batas. Kabilang dito ang pagpapahintulot sa mga dayuhan na magmay-ari ng lupa; makapasok at magmay-ari ng mga public utility; at pagnenegosyo na may kinalaman sa mga likas na yaman. Sa umiiral na batas, 60 percent ng isang kumpanya ay dapat kontrolado ng mga Pilipino, habang 40 percent naman sa mga dayuhang kasosyo. Kapalaran ng RH Bill Inihayag din ni Gonzales na malalaman nila sa isasagawang botohan sa Agosto 7 kung dapat na nilang itigil ang debate sa plenaryo sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill. Ayon sa kongresista, iniutos ni Belmonte na alamin ang magiging kapalaran ng RH bill matapos magpahiwatig ng suporta sa panukala si Pangulong Aquino sa katatapos nitong State of the Nation Address. “To determine the direction of RH measure, the leadership decided to take a vote on August seven whether to terminate the period of debates," aniya. “If there is no quorum that's indication that there’s no support." - RP/FRJ, GMA News