ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagong modus ng ‘salisi’ para magnakaw ng LPG tank, nabisto sa Pangasinan


Nahuli sa closed-circuit television camera ang bagong modus ng mga magnanakaw na sumasalisi sa tindahan para makapagnakaw ng mga tangke ng Liquefied Petroleum Gas o LPG. Hindi nga inakala ng may-ari ng LPG retailing station sa Barangay Tonton, Lingayen sa Pangasinan na habang may nakikipagtawaran sa kanya ay may mga magnanakaw ng kanyang produkto. Kwento ng may-ari ng retailing station na tumangging pabanggit ang pangalan, napansin niyang pabalik-balik ang mga suspek bago niya nalaman na natangay na tinda niyang mga tangke ng LPG. Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang estilo ng grupo. Una ay ang pagparada ng isang motorsiklo na may sakay na tatlo katao, na kinabibilangan ng dalawang babae. Bumaba ang mga babae na may dalang payong at nagpanggap na bibili sa tindahan ng biktima. Maya-maya lang ay isa pang motorsiklo ang pumarada malapit sa tindahan. Habang nakaharang ang payong ng isang babae, palihim itong sesenyas sa bagong dating na motorsiklo para kumuha ng mga tangke. Agad na umalis ang mga suspek nang maisakay na sa motorsiklo at natakpan ng jacket ang mga makulimbat na tangke. Kasunod nito ay pasimple na ring aalis ang mga babaeng may dalang payong. Ayon kay PO3 Amador Nazareno, desk officer ng Lingayen-PNP, bagong modus ang natanggap nilang reklamo. “First time na mangyari ito, tanghaling tapat pa," pahayag ni Nazareno. “Bagong modus nila ito." Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga suspek. Kung pagbabatayan umano ang ikinilos ng mga suspek, matatawag umano na organisado ang grupo. -- JFarcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News