Agawan sa lupa, posibleng ugat ng bakbakan sa Basilan, ayon sa obispo
Kasabay ng pagkondena sa panibagong karahasan sa Basilan, hinihinala ng isang Obispo ng Simbahang Katoliko na may kinalaman sa agawan ng lupa sa isang barangay ang naganap na engkwentro sa lalawigan na nagresulta na sa pagkamatay na ng 19 katao. Sa panayam ng Radyo Veritas nitong Biyernes, inihayag ni Basilan Bishop Martin Jumoad, na malaki ang paniwala niya na may kinalaman ang pinag-aagawang lupain sa Barangay Tumahubong sa nangyaring sagupaan ng mga militar at armadong grupo na hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf sa Sitio Upper Cabengbeng nitong Huwebes. Dagdag ng obispo, maaaring konektado rin ang nangyaring labanan nitong Huwebes sa pag-ambush na ginawa ng mga armadong lalaki sa mga manggagawa ng plantasyon sa Tumahubong noong July 17, kung saan anim na trabahador ang nasawi at 27 iba pa ang nasugatan. Paliwanag ni Jumoad, nagkakaroon ng agawan sa lupain ng rubber plantation na isinailalim sa kooperatiba dahil hindi pa matiyak ng Department of Agrarian Reform (DAR) kung sino talaga ang mga dapat na maging benepisyo nito. “Sana naman pansinin na ito ng pamahalaan natin lalo na ng DAR. Noon ko pa sinasabi sa kanila ito na kailangang maklaro kung sino talaga ang mga benepisyaryo sa lupain. Isinailalim kasi ito ngayon sa isang kooperatiba dahil hindi nila alam kung sinu talaga ang beneficiary," pahayag ng Obispo sa panayam ng naturang himpilan ng radyo. May hinala rin si Jumoad na hindi talaga lehitimong miyembro ng ASG at maaaring mga manggagawa na napaalis sa plantasyon ang ilan sa mga nakasagupa ng militar. Sinabi ng obispo na isa sa mga pinaghihinalaan ng militar na nasa likod ng mga pag-atake na si Wyms Wakil ay dating manggagawa at kabilang sa mga napatalsik sa plantasyon. “Those residing inside Tumahubong, those are the beneficiaries. But the outsider also claim that they are also the beneficiaries. So yun nagkagulo," paliwanag niya. “Sana naman ayusin na nila ito dahil mga inosenteng tao ang namamatay dito. Huwag na sana nilang hintayin pa na may masawi na naman," pakiusap ng obispo sa pamahalaan. Nitong Biyernes, sinabi Lt. Colonel Randolph Cabangbang, regional military spokesman, umabot na sa 17 sundalo at limang miyembro ng ASG ang nasawi sa labanan sa Basilan. Inihayag naman ni deputy presidential spokesperson Abigail Valte, na nagbigay na ng utos si Pangulong Benigno Aquino III sa kalihim ng National Defense na magtungo sa Basilan at tiyakin ang pagtugis sa mga armadong grupo. "Of course, we condemn the attack," pahayag ni Valte. “We salute our fallen for their bravery. It is a reality for those of us in government to always… when things like this happen… Mabigat po sa atin ‘yan." -- MP/FRJ, GMA News