ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Karahasan sa loob ng paaralan: High school student, patay sa suntukan sa Makati


Isang 14-anyos na mag-aaral ang namatay matapos umanong makipagsuntukan sa kapwa estudyante na naganap sa loob mismo ng Benigno “Ninoy" Aquino High School sa Makati City nitong Huwebes. Sa ulat ni Cesar Apolinario sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Paul Balili. Nasa pangangalaga naman ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang suspek na itinago sa pangalang Boy, 14-anyos din. Nagkabanggaan umano ang dalawa na nauwi sa suntukan sa pasilyo ng kanilang paaralan dakong 9:00 a.m. nitong Huwebes. Ayon kay Elpidia Mojica-Valenzuela, guidance counselor ng paaralan, kapwa hindi ginusto ng dalawang estudyante ang nangyari. Naluluha nitong sinabi na labis nilang ikinalungkot ang trahedya at umaasa silang hindi na iyon mauulit. Nakausap din umano ni Valenzuela ang suspek at nakita niya na umiyak ito at labis na nagsisisi sa nangyaring krimen. Ayon sa ulat, hindi raw personal na magkakilala ang biktima at suspek. Hined-lock Ikinuwento naman ng kaibigan ng biktima na nagpalitan ng suntok ang dalawa bago na-headlock ng suspek si Paul. “Bigla pong sinuntok ni Paul sa mukha yung kalaban, tapos yumuko po si Paul. Tapos sumuntok din po yung kalaban ni Paul. Pagkatapos po nun hined-lock po si Paul sabay sinuntok nang sinuntok," ayon sa saksing itinago sa pangalan John. Ayon kay John, ilang minuto pa umano ang lumipas bago dumating ang mga guwardiya at nadala sa clinic ang wala nang malay na si Paul. Sa clinic, nakita pa raw ni John na huminga ang kaibigan. Pero may lumabas daw na dugo sa ilong nito at saka dinala sa ospital. Tumanggi naman ang pamilya ng biktima na magbigay ng pahayag dahil na rin umano sa payo ng abogado kaugnay sa isasampa nilang kaso. Samantala, hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya sa mga labi ng biktima para malaman kung ano ang tunay na dahilan ng pagkamatay nito. -- FRJimenez, GMA News