ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

NDRRMC: Bilang ng mga namatay dahil sa bagyong Gener, umakyat na sa 23


Umakyat na sa 23 ang bilang ng mga namatay dahil sa pananalasa ng bagyong Gener, samantalang 21 naman ang naitalang sugatan at 125 na tao naman ang na-rescue, ayon sa pinakahuling update ng National Risk Reduction and Management Council. Sa pinakahuling tala, umabot sa 500 barangays sa 90 na bayan, 22 na siyudad at 27 na probinsiya ang apektado ng bagyo, ayon sa NDRRMC. Sa paghupa ng baha sa mga apektadong lugar, nasa 12,000 ka tao na lang ang kasalukuyang nanunuluyan sa 61 evacuation centers sa ibat-ibang bahagi ng bansa. Kahit papalabas na sa Philippine area of responsibility si Gener, kasalukuyang nakataas pa rin ang Storm Signal No. 1 sa may Batanes Group of Islands. Dahil sa patuloy na malakas na hangin, pag-ulan at malalaking alon, stranded pa rin ang 802 na mga pasahero na sasakay sana ng mga sasakyang pandagat. Sa kasalukuyan, 29 na mga daan at tatlong tulay pa rin ang hindi madadaanan. Umabot din sa 2,785 ang bilang ng mga bahay na nasira – 600 sa mga ito ay "totally damaged" at 2,185 naman ang "partially damaged." — LBG, GMA News