2 barge na tinangay ng malakas na alon sa Pangasinan, nasa bukana na ng ilog
Masusing binabantayan ng mga residente sa baybayin ng Barangay Aloleng sa bayan ng Agno, Pangasinan ang dalawang barge na tinangay ng malalakas na alon. Nangangamba kasi ang mga residente sa peligrong maaaring idulot ng mga barge na malapit na sa pampang at halos nasa bukana na ng Balincaging river. Napag-alaman na tatlong araw nang namamataan ng mga residente ang mga barge pero nito lamang Huwebes ng umaga nila nakita ang paglapit nito sa pampang at bukana ng ilog. Nagpulong na umano ang pulisya, coast guard, at mga barangay official para planuhin ang gagawin sa mga barge pero hindi pa sila makakilos dahil sa sorbang lakas ng mga alon sa lugar. ‘Itatali sana namin wala naman kaming maakyatan," ayon sa barangay tanod na si Bociano Cabiso. Pangamba ng mga residente, posibleng oras lang ang hihintayin at baka tuluyan nang makapasok sa ilog ang mga barge. ‘Kasi kung pumasok (sa ilog) masisira ang mga bangka namin," ayon sa residenteng si Ariel Urbano. Bukod dito, maaari rin umanong makapaminsala ng mga bahay na nasa gilid ng ilog ang mga barge at pati na ang mga coral sa Balincaging river. Dahil malapad ang mga barge, may posibilidad din umanong makaapekto ito sa daloy ng tubig mula sa ilog palabas ng dagat at maging sanhi ng pagbaha sa mga karatig barangay ng Boboy, Dangley, at Poblacion East. “Titingnan namin kung kakailanganing ilikas ang mga tao na malapit sa lugar,“ ayon kay Guillermo Neypes, municipal consultant. -- JFarcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News