ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Carandang: 'Code of conduct' kailangan para sa joint oil exploration sa West PHL Sea


Mahirap mangyari ang panukalang "joint oil exploration" sa West Philippine Sea kung walang iiral na "code of conduct" sa rehiyon, ayon kay Presidential Communications Group Secretary Ricky Carandang. Ito't inihayag ni Carandang sa gitna ng mga ulat na umano'y nag-imbita na ng bidders ang China para sa kontrata ng oil exploration sa pinagtatalunang lugar sa karagatan sa West Philippine Sea, ayon sa ulat ni Tuesday Niu sa dzBB. Ipinaalala ni Carandang na hindi lamang ang China at Pilipinas ang umaangkin sa ilang bahagi ng West Philippine Sea kundi nariyan din ang ibang bansa sa Asya katulad ng Brunei, Malaysia, Taiwan at Vietnam. Ayon kay Carandang, mas makabubuti kung hindi gagawa ng anumang aksyon ang "claimant-countires" na makapagdudulot ng tensyon sa pinagtatalunang lugar, kasama na ang Pilipinas at China. Iginiit din ni Carandang na ang inaalok na service contract ng pamahalaan ng Pilipinas ay hindi sa mga bahagi ng pinagtatalunang lugar West Philippine Sea kundi napapallob pa ito sa 200-nautical-mile exclusive economic zone ng bansa. Handa rin umano ang pamahalaan na bigyan ng proteksiyon, hanggat makakaya nito, ang mga taong may mabibigyan ng service contract. — LBG, GMA News