Bilang ng namatay dahil sa bagyong Gener umabot na sa 41
Umabot na sa 41 ang bilang ng mga nasawi dahil sa bagyong Gener (Saola) nitong Sabado habang 68 na mga kalsada at tulay ang apektado. Ayon sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, ang isa sa mga pinakahuling naitalang namatay ay kinilalang si Mica Hufana, isang dalawang-taong gulang na batang nalunod sa La Union. "Nakalulungkot kasi two years old napabayaan ng nanay, natangay ng tuig sa creek at nalunod," ayon kay NDRRMC head Benito Ramos sa isang panayam sa radio dzBB. Samantala, baha pa rin sa ilang mga lugar sa probinsya ng Bulacan, Bataan, Cavite, at Valenzuela City sa Metro Manila. Dagdag ng NDRRMC, apat na tao ang pinaghahanap pa at 35 naman ang iniwang sugatan ni Gener. Umabot na sa 177,440 na pamilya o 800,944 na tao sa 1,077 na mga barangay sa 141 na bayan at 27 na lungsod sa 35 probinsya ang naapektuhan ng bagyo. Ang pinasala sa mga ari-arian ay tinatayang aabot sa P289,852,863.10, kasama na dito ang P116,560,384 sa imprastraktura at P172,792,479.10 sa agrikultura. Samantala, 756 na kabahayan ang nawasak at 4,127 naman ang nagtamo ng pinsala. Ang bayan naman Villadolid sa Negros Occidental at Lauan at Culasi sa Antique ay isinailalim na sa state of calamity. Dahil dito, maaari nang gamitin ng naturang mga bayan ang limang porsyento ng pondo nila para sa kalamidad. Ang ilan sa mga apektadong kalsada at tulay ay: