Sandatang pinanday ni Panday Pira
Mula sa isang lalawigan sa Gitnang Luzon, nagpunta sa Manila si Panday Pira, ang Pinoy na sinasabing gumawa ng isang sandata na labis na hinangaan ng mga mananakop na Kastila. Pinapaniwalaang isinilang noong 1488, edad 20 nang sinasabing manirahan sa Manila si Panday Pira kasama ang ilan niyang kaanak. Sa tulong ng isang panday na Portuguese, nahasa rin ang husay ni Panday Pira sa paggawa ng mga sandata pati na ang kanyon. Ang mga kanyon na ginawa ni Panday Pira ang ginamit umano ni Rajah Sulayman para protektahan ang Maynila laban sa mga mananakop na Kastila na pinangunahan noon ni Martin de Goiti. Nang matalo si Sulayman, ginamit na gantimpala ng mga Kastila sa kanilang sarili ang nakumpiskang mga kanyon na ginawa ni Panday Pira. Sa kanilang paghanga, kinuha nila ang serbisyo nito upang gumawa pa ng maraming kanyon. Nang pumanaw si Panday Pira noong 1576, nahirapan ang mga Kastila na makahanap ng kanyang kapalit sa paggawa ng mga kanyon. Ilang taon pa muna ang lumipas bago nakapagpadala ang Espanya ng kapalit na panday ni Panday Pira na sinasabing nanggaling sa Mexico. Isang kalye ang ipinangalan kay Panday Pira sa Tondo, Maynila bilang pag-alaala sa kanya. -- FRJ, GMA News