ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Gloria Arroyo, balak mamigay ng relief goods sa bayan ng Lubao


Nakatakdang bumisita si dating Pangulo at ngayo'y Pampanga Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang bayan na Lubao upang mamahagi ng relief goods sa mga residenteng apektado sa matinding baha dulot ng patuloy na pagbuhos ng ulan. Sa kanyang Twitter account, inihayag ni Arroyo na hiniling niya ang permisyo mula sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC), kung saan siya nagpapagaling mula pa noong nakaraang linggo. "(I) will be going to Lubao to distribute relief goods. (I) asked permission from VMMC," aniya. Kinakatawanan si Ginang Arroyo ng ikalawang distrito ng Pampanga, kung saan matatagpuan ang bayan Lubao. Inihayag ng dating pinuno sa kanyang Twitter at Facebook account kung gaano siya nasaktan nang malaman niyang apektado sa pagbaha ang kanyang mga kababayan sa Pampanga. Ayon sa kanya, mas masakit umano ang pakiramdam na ito kung ikukumpara sa kanyang sakit na naramdaman na nangdala sa kanya pabalik sa ospital noong nakaraang linggo. "The devastation caused by the rains sends a strong warning to humanity that we are very vulnerable to nature's wrath and its destructive elements. It hurts me more to see my cabalens in this predicament, much, much more than the pains that I'm experiencing right now. I enjoin our beloved Capampangans to show strength and unity in confronting these challenges before us," aniya. Isinugod si Arroyo sa VMMC matapos makaranas ng acute cervical at lumbar pain. Ayon kay VMMC head Dr. Nona Legaspi, "nothing serious" umano ang kondisyon ni Arroyo, kailangan lamang na magpahinga ng dating pangulo. Ayon sa kanya, napayuhan na umano si Arroyo na huwag muna masyadong magtrabaho. Sa naunang panayam, inihayag ni Legaspi na ang pagkain ni Arroyo ng isang pirasong melon at "bacon-like" na karne ang dahilan kaya naospital siya. Noong nakaraang buwan, nakalabas ng VMMC si Arroyo matapos siyang payagan ng Pasay court na maghain ng P1-milyong piyansa sa kasong electoral sabotage. Umabot ng walong buwan ang hospital arrest ni Arroyo. Una siyang nanatili sa St. Luke's Medical Center sa Taguig City noong Nob. 15 noong nakaraang taon at inilipat sa VMMC mula noong Disyembre. Kasalakuyan namang humaharap si Arroyo sa posibleng pagka-aresto dahil sa kasong plunder na isinampa laban sa kanya kaugnay sa umano'y iregularidad na naganap sa Philippine Charity Sweepstakes Office. — Mandy Fernandez /LBG, GMA News