Pagbaha sa Dinalupihan, Bataan, pinakamatinding naranasan daw ng ilang residente
Ang pagbaha na umabot ng anim na talampakan na nagpalubog sa kahabaan ng Olongapo-Gapan Road sa Dinalupihan ang ikinukonsidera ng ilang residente sa lugar na pinakamatinding pagbaha na kanilang nasaksihan. Dahil sa pagbaha, naging pahirapan ang pagpunta at paglabas sa Bataan. Lubog sa tubig ang mga barangay Layac, Sta. Isabel, Tabacan, Poblacion proper, San Ramon, Luakan, San Benito, Magsaysay, Colo at Naparing, na pawang nadadaanan ng national road patungong Olongapo City. Lubog din sa tubig ang barangay A. Mabini Extension, A. Mabini Proper, Daan-Bago, Pentor, Pagalanggang, Padre Dandan, at Jose Payumo. Hindi pinapadaan sa mga sasakyan ang Olongapo-Gapan Road. Apat na heavy-duty dump trucks naman ang ipinagamit ng provincial government para sa evacuation at rescue operations. Ngunit hindi na madaanan ng kahit matataas na trak ang Brgy Layak na umabot sa hanggang dibdib ang baha. Dumadaan ang mga rescue unit sa Subic-Clark-Tarlac Expressway pero barado na rin ng baha ang Brgy Magsaysay at may landslide din sa Brgy Roosevelt. “Dati-rati hanggang tuhod lang ang baha sa harap ng bahay ko pero ngayon hanggang dibdib na," ayon sa residenteng si Alfredo Lampano. “Ngayon lang lumaki ang baha nang ganito sa Dinalupihan lalo na sa Luakan buhat ng maging tao ako," pahayag naman ng 45-anyos na si Lorinda Rodriguez. Nagsagawa ng special session nitong Martes ang Sangguniang Panlalawigan para ipasa ang isang resolusyon at ideklarang under state of calamity ang lalawigan ng Bataan. Ayon kay Tess Senora, Provincial Disaster Risk Reduction Management Council chief, nagkaroon ng mga flash flood sa Balanga City, Dinalupihan, Hermosa, Orani, Samal, Abucay, Pilar, Orion, Mariveles, Bagac at Morong. Iniulat naman ni Senior Supt. Ricardo Zapata, Bataan police director, na may 692 pamilya ang inilikas sa 41 evacuation centers. Dalawa katao ang nawawala mula sa Orion at Dinalupihan. There were reports of landslides in Bagac and Dinalupihan. -- Ernie Esconde/FRJ, GMA News