ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pork barrel funds, hiniling ipalabas para magamit sa mga biktima ng kalamidad


Nanawagan sa Palasyo si Speaker Feliciano Belmonte Jr. na bilisan ang pagpapalabas ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o mas kilala bilang pork barrel funds ng mga mambabatas para magamit sa pagtulong sa kanilang mga kababayan na sinalanta ng kalamidad. “I am appealing to Malacanang to release the congressional allocations of my colleagues to address the various problems as an offshoot of the widespread flooding that hit Metro Manila and nearby provinces," pahayag ni Belmonte nitong Miyerkules. Ang bawat kongresista ay mayroong alokasyon na P70 milyon na PDAF bawat taon. Mas malaki naman ang natatanggap ng mga senador na umaabot sa P200 milyon bawat isa. Kumpara noong kalamidad na idinulot ng bagyong “Ondoy" noong 2009, sinabi ni Belmonte na mas mahusay ang pagtalima ngayon ng pamahalaan sa pinakabagong pagbaha sa Metro Manila at mga kalapit na lalawigan. Naniniwala ang lider ng mga kongresista na kailangang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang paglilipat ng tirahan ng mga pamilyang nakatira sa mga gilid ng ilog at estero. “We should continue with our efforts to clean our riverbanks by removing and transferring all informal settlers," aniya. Sinuportahan naman ni House assistant minority leader Rep. Ma. Milagros Magsaysay ang mungkahi ni Belmonte. Kailangan din umanong pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang pagpapalalim sa mga ilog. “We also need to dredge our rivers to avert heavy and widespread flooding," aniya. Mabuting hakbang din umano ang ginawang pagdagdag ng pamahalaan sa the flood control funds na umabot sa P17 bilyon sa 2013, kumpara sa kasalukuyang alokasyon na P12.32-bilyon. JPE, may nakitang pwedeng relocation site Samantala, iminungkahi naman ni Senate President Juan Ponce Enrile sa pamahalaang Aquino na gawing relocation site ang 700-hektaryang lupain sa Pinugay, Tanay, Rizal. Ang naturang lupain ay pag-aari umano ng Marcos crony firm na Philippine Communications Satellite Corporation (Philcomsat), na kinumpiska ng Presidential Commission on Good Governance (PCGG). "Malaki yun. It's almost a city. That's one of the high areas of the country.[It's] 700 hectares na pwedeng gamitin para irelocate yung mga tao who are in the danger zone[s]," mungkahi ni Enrile. "Ilang hectares yung occupied by these people who are now affected in Marikina? 100 hectares? 200? That's more than enough [to accommodate them]," dagdag niya. Mayroon na umanong ginagawang pag-uusap ang Philcomsat at si Vice President Jejomar Binay tungkol sa posibleng paggamit sa naturang lupain na nakabakante dahil sa sequestration order. "The roadblock is it's under sequestration. Tanggalin lang yung sa PCGG yung sequestration [magagamit na yun] Madali lang yun...eh ayaw nila," ayon kay Enrile. Dagdag pa ng senador, ipinagtataka niya kung bakit hinayaan ng pamahalaan ang PCGG na kumpiskahin ang naturang ari-arian. "They should have sequestered the shares of stock of the people that they claim to have [collected] ill-gotten [wealth]. That [property] cannot be ill-gotten by the corporation because the investment of the government is only P55,000," pahayag niya. - RP/FRJ, GMA News