3 sundalo, 1 bata, patay sa ambush sa MSU sa Marawi City
Tatlong sundalo at isang bata ang nasawi sa naganap na pananambang ng mga armadong lalaki sa besinidad ng Mindanao State University sa Marawi City nitong Miyerkules ng gabi. Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News TV SONA with Jessica Soho nitong Huwebes, sinabing tinatayang 15 armadong lalaki ang namaril sa tropa ng 65th Infantry Battalion ng Philippine Army na nagpapatrolya sa MSU campus. Bukod sa tatlong sundalo na nasawi, sinabi sa ulat na 10 sundalo pa ang nasugatan sa pananambang. Ang nag-iisang batang sibilyan na nasawi ay naipit umano sa hiwalay na ambush na nangyari malapit din sa unibersidad. Hinihinalang may kaugnayan umano sa isinasagawang voter’s registration ang nangyaring ambush. May nagbanta umano sa mga tao sa lugar na magparehistro gamit ang mga pekeng pangalan. Sa hiwalay na pahayag, nangako si Maj. Gen. Ricardo Rainier Cruz III, division (Tabak) commander, na pananagutin ang mga responsable sa pananambang. "As facilitator of community development, we sometimes suffer in the hands of these lawless [elements] who disturbed the peace but let us not allow them to continue, we serve for our people, let's go for justice," ayon sa opisyal. Sinabi naman ni Acting Gov. Mujiv Hataman ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM), tinitingnan nila ang posibilidad na sindikato ng mga kriminal sa loob ng MSU ang nagsagawa ng pananambang. Tiniyak din niya na ang naturang insidente ay hindi makakaapekto sa isinasagawang usapang pangkapayapaan ng pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front. – FRJ, GMA News